Advertisers
NANAWAGAN ang Sangguniang Panlalawigan ng Romblon at ang 9 mayors ng Tablas Island sa Energy Regulatory Commission (ERC) na bigyan ng solusyon ang posibleng power crisis sa isla ngayong buwan.
Kasunod ito ng pinadalang sulat sa kanila ng Suweco Tablas Energy Corp. (STEC) na magbabawas sila ng operasyon sa Tablas Island sa Lunes, February 15, kung walang maibibigay na solusyon ang ERC sa kanilang hinaing.
Sa resolusyon na inaprubahan ng provincial board noong Martes, Peb. 9, hiniling nila na bigyan ng maagang resolusyon ang power rate petition ng STEC.
Samantala, sinabi rin ng mga alkalde sa isla na may parehong hinaing kay ERC chair Agnes Devanadera na sa panahon ngayong may kinakaharap na pandemya ang bansa at online ang pag-aaral at ibang trabaho, mas kinakailangan ng publiko ng stable at reliable power supply para mas epektibong maiiwasan ang pagkalat ng Corovirus disease 2019 (Covid-19).
Ang mga alkalde na pumirma sa sulat sa ERC ay sina Riza Pamorada ng Alcantara, Marietta Babera ng Calatrava, Jovencio Mayor, Jr. ng Ferrol, Lisette Arboleda ng Looc, Lorilie Fabon ng Sta. Maria, Arsenio Gadon ng San Andres, Esteban Madrona ng San Agustin, Elsie Visca ng of Santa Fe, at Trina Alejandra Firmalo-Fabic ng Odiongan.
Nauna nang naglabas ng panawagan sa ERC si Romblon lone district Representative Eleandro Madrona nitong nakaraang linggo. (Mula sa Romblon News Network)