Advertisers
MASASAKSIHAN ng sambayanang Filipino ang pagpapaturok ng anti-COVID 19 vaccine ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, iaanunsiyo na lang mismo ni Pangulong Duterte kung kailan siya magpapabakuna.
Ang pagbabago ng isip ni Pangulong Duterte ay bunsod ng mga hamon at panawagan na dapat masaksihan ng publiko ang pagpapabakuna sa kanya para lumakas ang loob at mawala ang mga pagdududa ng maraming Filipino.
Maging ilan sa mga opisyal ng administrasyon ang naniniwala na makakapagpalakas ng kumpiyansa sa mga natatakot o nagdududa sa bakuna kung ang mismong pangulo ng bansa ang makikita nilang tuturukan ng bakuna na sinasabing pangontra sa nakamamatay na sakit.
Una nang inihayag ni Roque na sakaling magpapabakuna si Pangulong Duterte ito ay magiging pribado.
Posible na bakuna ng Pfizer o AstraZeneca ang iturok kay Pangulong Duterte. (Vanz Fernandez)