Advertisers

Advertisers

Silang mga handang mauna

0 337

Advertisers

PALAPIT na nang papalapit ang pagdating ng mga bakuna upang ang karamihan sa atin ay mabigyan ng panglaban sa virus na COVID-19. Samantalang marami sa atin ay may mga agam-agam pa o alanganin pang pumayag na mabakunahan.

Ang mga pag-aalinlangang ito ng ating mga kababayan ang nais maibsan ng iba nating mga lokal at nasyunal na mga opisyal upang magtuloy na ang papamahagi ng bakuna sakaling ang mga ito ay magdatingan na.

Hinahangan ko ang mga opisyal na ito na handang ialay ang kanilang mga sarili na maunang mabakunahan upang pawiin ang mga agam-agam ng ating mga kababayan sa bisa ng bakunang lalaban sa COVID-19.



Nagpahayag ang ilan sa kanila na isasapubliko pa kung kinakailangan ang pagtuturok ng bakuna sa kanila para makita ng taong bayan na ligtas ang magpabakuna.

Ang pang-bansang kamao na si Senador Manny Paquiao halimbawa ay tahasang nagsabi noon pa, na payag siyang maturukan ng bakuna, kahit sa harap ng madla o mga camera. Nang sa gayon daw ay makapag-bigay ng kumpiyansa at tiwala sa mga Filipinong alanganin pang magpabakuna.

Isinasa-alang-alang lamang ng kanyang mga boxing staff ang kasiguruhan ng kalusugan ng senador lalo na kung ang pagbabakuna ay magaganap sa nalalapit na laban ng pangbansang kamao.

Ganun din naman ang nais ni Senadora Imee Marcos, ang mabakunahan na saksi ang sambayanan. Ito ay sa kabila na ‘asthmatic’ pa ang senadora, para lamang daw makatulong na mabuo ang kumpiyansa ng taong bayan sa pagbabakuna ng panglaban COVID-19.

At maging si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay nagsabi na handa siyang isapubliko ang kanyang pagbabakuna para lamang makuha ang tiwala ng kanyang mga nasasakupan na ang pagpapabakuna ng para sa COVID-19 ay makakabuti para sa lahat.

Pakumbaba pang inihayag ni Mayor Joy na ayaw man niyang unahan ang mga nasa priority list sa kanyang siyudad, bukas naman siya sa ideyang kung kinakailangan siya ang maunang bakunahan, ay di raw siya tatanggi kahit anumang brand pa ng bakuna ang ituturok sa kanya.



Ang dahilan ni mayora, ang pagsasapubliko ng pagtuturok ng bakuna sa kanya ay magiging daan para sa kanyang mga QCitizen na magtiwala sa bakunang panglaban sa COVID-19.

Silang mga nais mauna ang talagang magdadala at magpapatibay ng ating pagtitiwala sa anumang klase ng bakunang ibibigay sa atin upang maging sandata natin laban sa virus na COVID-19.

Ang pagsasapubliko ng ating mga lider, opisyal atbp. na binabakunahan, ang mag-aalis ng alinlangan ng ating mga kababayan sa bakunang panglaban sa virus na nakamamatay. Hanga ako sa mga taong ito.