Advertisers
By JULIET PACOT
TILA lumalamig na ang pagsasama ng mag-asawang Aljur Abrenica at Kylie Padilla nang ipangalandakan nila kapwa ang kanilang mga sentimyento.
Mabilis sa social media ang mga tagahanga kaya hindi naiwasang mapokus sa kanila ang isyu, kanya-kanyang ispekulasyon ang idinulot sa fans sa posts ng celebrity couple na tila naghihimutok na ang mga ito.
Makikita sa post ng 30-year-old actor, huling misteryosong post nito ilang araw pa lamang ang nakalilipas ay ‘yong may hawak siyang rosaryo kung saan nagdasal aniya siya kaya nagkaroon ng peace of mind.
Mas marami naman ang “cryptic” posts ng 28-year-old actress kabilang ang patungkol sa pagiging “submissive but not stupid,” at ang kahalagahan ng pagmamahal sa sarili.
Kapansin-pansin din na wala na sa IG account ni Kylie ang mga larawan ni Aljur, idagdag pa ang larawan ng kanyang kanang kamay na wala nang suot na wedding ring with matching caption na “free.”
Burado na ang naturang picture pero may mga netizen ang mabilis na nakapag-screenshot.
Taong 2017 nang mauwi sa engagement ang kanilang limang taon na on-and-off relationship bilang magkasintahan hanggang sa ikinasal noong 2018 at biniyayaan ng dalawang anak na lalaki.
Magugunitang nagkaroon ng tampuhan si Kylie at ama nitong si Robin Padilla dahil hindi nasunod ang request na magpakasal na sila ni Abrenica noong kasagsagan ng kanyang pagbubuntis.