Advertisers

Advertisers

Say ng ‘presidentiable’: KURAPSYON UGAT NG REBELYON – PACQUIAO

0 609

Advertisers

KURAPSIYON ang ugat ng malawakang kahirapan sa bansa, kaya ang mga komunidad sa mga lalawigan ay salat sa mga imprastruktura, tamang edukasyon at disenteng pamumuhay.
Ito ang ibinahagi ni pambansang kamao Senador Manny Pacquiao nang maging pangunahing panauhin siya sa pagpipresenta ng mga sumukong miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa militar ng Maramag, Bukidnon nitong nakaraang Sabado.
Sa programang ginawa sa headquarters ng 88th Infantry Battalion, tinuran ni Sen. Pacquiao na kaya marami ang naghihirap nating mga kababayan sa mga kanayunan, gaya ng mga “lumad”, ay madali silang malinlang na lumaban sa pamahalaan dahil narin sa kawalan ng tuloy-tuloy na suporta ng pamahalaan sa kanilang komunidad.
“Hindi nabibigyan ng suporta ang ating mga lumad dahil sa matinding kurapsiyon. Yung mga pondo na napupunta dapat sa pagpapatayo ng mga paaralan, paglalagay ng kalsada sa kanayunan at pagbibigay ng kabuhayan ay napunta lamang sa mga kurap at ganid na pulitiko. Kailangan nating ubusin itong mga kurap upang mas marami pang rebelde ang mag-balik-loob sa ating pamahalaan,” ani Pacquiao na isa ring Colonel bilang Army Reservist.
“Nagkakaroon ng pagkakataon itong mga NPA na mag-recruit sa mga lumad communities sa kawalan ng kabuhayan at kawalan ng suporta sa edukasyon galing sa pamahalaan,” dagdag pa ng senador.
Ipinaalam din ni Pacquiao na nakikipag-ugnayan na siya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Region 10 upang makapaglaan ng pondo para sa mga nagsisukong NPA na mabigyan ng bagong kabuhayan sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng pamahalaan.
Ang mga sumukong miyembro ng NPA na karamihan ay galing sa tribo ng Manobo-Higaonon na kalat sa Central Minadanao ay mabibigyan ng pondo para sa pag-aalaga at pagpaparami ng mga kuneho o rabbit farming na tinatawag.
Sinabi ni Pacquiao na ang mga namumuhunan sa Davao City at General Santos City ay nangako na sa kanya na kanilang bibilhin ang mga pinalaking rabbit ng mga lumad.
Si Pacquiao, isinilang din sa isang liblib na pook ng bulubunduking barangay ng Kibawe, ay nangako rin na bukod sa kabuhayan, mayroon din agaran na pangangailangan ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) 8371 o ang “Indigenous People Rights Act of 1997.”
Aniya, ang pangunahing problema ng mga komunidad ng lumad ay pabahay, na sa kabila ng mga probisyon ng RA 8371 na nagbibigay ng katapatan sa mga katutubo na mamuhay sa kanilang “ancestral domain” ay patuloy na salat sa kabahayan. Ito rin ang dapat na tutukan at pabilisin ng National Commission of Indigeneous People (NCIP) upang makapagbigay na agad ng mga titulo ng lupa para sa mga lumad, at mapakita ang sinseridad ng pamahalaan na tumulong sa mga IPs.
Sa nasabing programa, na pinangunahan ni 88th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Chrisyian James Vingno, ipinagako ni Pacquiao na tututukan niya ang pagpapabilis ng pamamahagi ng titulo ng lupa ng mga ninuno ng katutubo at paglalaan ng pondo para masuportahan ang pang-agrikulturang pangangailangan ng mga katutubo sa lugar.
Matapos saksihan ang mga pagsuko, tumulak si Sen. Pacquiao patungo sa Barangay Panadian upang mamahagi naman ng grocery packs at mga manok ng Chooks-to-Go at isang libong piso (P1,000) sa mga residente ng bayan ng Maramag.