Advertisers
NILINAW ngayong araw ni Presidential Spokesman Harry Roque na tuloy pa rin ang operasyon ng public transportation kasabay ng ipatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Agosto 6 – 20.
Sa Laging Handa Press Briefing, tiniyak ni Roque na mananatili sa 50% capacity ang mga public transportation upang may masakyan ang mga magpapabakuna at essential workers.
Aniya, ang ikatlong ECQ ay hindi tulad ng naunang ECQ na wala talagang operasyon ng public transportation dahil sa ngayon ay kinakailangan mapabilis ang pagpapabakuna.
Pag-aaralan pa rin umano ng Technical Working Group ng IATF ang rekomendasyon na magpatupad ng transportation bubble.
Samantala, maging si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ay umapela sa Inter Agency Task Force On Emerging Infectious Disease (IATF) na panatilihin ang public transportation upang hindi maantala ang pagpapabakuna.
Inaasahang aabot sa 4 milyon katao sa Metro Manila ang mababakunahan sa loob ng dalawang linggo na ECQ. (Jonah Mallari)
***