Advertisers
“Akala ko katapusan ko na!”
Ito ang sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go kaugnay ng kanyang naging kahila-hilakbot na karanasan na kamuntik na niyang ikamatay at ng iba pang kasama matapos magloko sa ere ang sinasakyang helikopter habang patungo sa Isabela City, Basilan para mamahagi ng ayuda at pangunahan ang pagbubukas ng ika-135 Malasakit Center.
Ngunit sinabi ni Go na kung sakali ay nakahanda naman siyang mamatay sa pagsasabing iyon ay malaking karangalan habang siya ay nagsisilbi sa taumbayan.
Sa isang panayam, inilarawan ni Go kung paano nalagay sa hukay ang isa niyang paa nang magkaproblema ang makina ng sinasakyang helikopter ngunit sila ay nakaligtas dahil sa maagap at mahusay na aksyon ng kanilang piloto.
“Galing po ako ng Zamboanga, papunta po ako sa pagbubukas ng pang 135th na Malasakit Center doon po sa Basilan Medical Center, pinuntahan ko po mismo. Noong galing ho kami sa may dagat, galing Zamboanga, napansin ko na po na medyo mabilis…about 400 feet habang pababa, napakabilis po ng pagbaba ng helicopter. Pagbaba, nakayuko talaga siya at parang nag-bounce ng dalawang beses, tumabingi na,” ayon kay Go.
“Akala ko po katapusan ko na….First time po ako nakasakay ng ganon, parati naman akong nakakasakay (ng chopper) pero first time po ako nakasakay ng ganon na dire-diretso talaga ang pagbaba. Napakabilis tapos iba ‘yung tunog ng makina. ‘Yun pala’y, nung tinanong ko ang piloto, parang tailwind, tinutulak ‘yung chopper pababa. Napapansin ko na parang wala nang kontrol. Sa awa ng Diyos ay naligtas naman kami.”
“Naniniwala ako sa kasabihan na kahit saan ka magtago o magpunta, kung kukunin ka na ng Panginoon ay kukunin ka talaga. Pero kung hindi mo pa panahon ay hindi mo pa panahon,” idinagdag ng senador.
Sinabi ng senador na hindi niya lubusang naiintindihan ang nangyari hanggang sa kalaunan.
Ang paglulunsad ng Malasakit Center, ang una sa lalawigan, ay matagumpay at inilarawan ni Go ang insidente bilang tanda na marami pa siyang dapat gawin para sa bansa lalo’t nasa gitna tayo ng COVID-19 pandemic.
“Naramdaman ko lang (kung gaano kadelikado ng nangyari) nung nakita ko na sa CCTV na ganun pala ang nangyari…. Bilang public servant, isang karangalan sa akin na mamatay na nagsisilbi para sa ating mga kababayan. Naniniwala ako na Diyos lang nakakaalam ng (mangyayari sa) ating buhay. Siguro marami pa tayong pwedeng matulungan kaya hindi ako titigil sa pagseserbisyo,” anang mambabatas.
Matapos mabuksan ang Malasakit Center sa Basilan ay sumakay na lang ang senador sa barko at sunod na binuksan ang pang 136 na Malasakit Center sa Labuan General Hospital sa Zamboanga City. Pangatlong center na ito dahil malaki ang Zamboanga City.
Bilang bahagi ng kanyang ipinangakong tiyakin na magkakaroon ng mas kombinyenteng access ang mga Filipino sa healthcare services, iniakda at inisponsoran ni Go noong 2019 ang Republic Act No. 11463.
“Mayroon na ring Malasakit Center sa Jolo at Tawi-Tawi na binuksan namin two years ago. Sa ZamBaSulTa, mayroon nang 10 na diyan. Sa Luzon, 75; Mindanao, 35; at sa Visayas, 26. So, tuloy-tuloy itong pagbubukas ng Malasakit Center sa buong Pilipinas,” ani Go.
Ang Malasakit Centers program ay mahalagang bahagi ng malawakang pagsisikap ng Duterte administration na dalhin nang personal ng gobyerno sa mga tao ang mas maayos na health services lalo sa mga nangangailangan sa harap ng patuloy na pandemya.
“Ako naman, kung ano ang makakatulong sa ating mga kababayan ay ibigay natin dapat ito sa pamamagitan ng serbisyong mabilis. Huwag natin pahirapan pa sila,” ayon kay Go.
“Hindi ko sasayangin ang oras na mayroon ako. Importante malampasan muna natin itong krisis na ating kinakaharap. Gaya ng palagi kong sinasabi sa mga kababayan natin, magbayanihan at magmalasakit tayo sa ating kapwa Pilipino. Hindi kami titigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa aming pagseserbisyo sa abot ng aming makakaya,” paniniyak niya.