Advertisers
IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Eleazar, ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa pangingikil ng mga pulis sa mga detenido.
Ayon kay Eleazar, nakatangap siya ng mga reklamo sa ‘di umano’y modus ng ilang tiwaling pulis na sinasadyang pagtagalin ang pag-release ng mga detainee kahit may court order na upang pagkakitaan sa pamamagitan ng sinisingil na board and lodging fee, protection fee at visitation fee.
“Inatasan ko ang aming Integrity Monitoring and Enforcement Group na magsagawa ng imbestigasyon at mga operasyon tungkol dito,” saad ni Eleazar.
Hinikayat ni Eleazar ang publiko na makipagtulungan upang matukoy at agad na maparusahan ang mga pulis na sangkot dito.
Base sa mga natangap na reklamo, sinabi ni Eleazar na sadyang pinatatagal ng ilang pulis ang pagpapalaya sa mga detenido sa kabila ng may nailabas nang release order mula sa korte matapos makapagpiyansa.
Aniya, idinadahilan ng ilang pulis na hindi pa nila maaaring palayain ang mga detenido sa kabila ng kautusan ng korte dahil sa kailangan pa umano nilang tingnan kung may iba pa silang kinakaharap na kaso.
Binigyang diin ni Eleazar na ginagawa ang pag-background check ng mga detenido matapos ang pag-aresto para malaman kung may iba pa silang kinakaharap na kaso o pinaghahanap dahil sa iba pang aktibidad.
Inatasan ni Eleazar ang lahat ng chief of police at unit commander na agad palayain ang mga detenidong nasa ilalim ng kanilang jurisdiction sa sandaling maglabas ng kautusan ang korte at maisumite ang mga kailangang dokumento malibang kung mayroon itong naka-pending na kaso.
“Hindi natin papayagan ang ganitong uri ng korapsyon sa aming hanay at tinitiyak ko na mamalasin ang sinumang utak-kriminal na pulis na sangkot dito,” giit ni Eleazar.(Mark Obleada)