Advertisers
NAG-APOLOGY si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkasawi ng 4 na Chinese Nationals drug suspects sa matagumpay na anti-drug operations sa Zambales at Bataan.
Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na may mga batas na dapat sundin sa Pilipinas kaya dapat maintindihan ito ng mga bansang pinagmulan ng mga suspek.
“I’m sorry for the loss of lives. Hindi natin ginusto ‘yan. But I just hope that the countries from where these guys come from should understand that we have laws to follow,” anang Pangulo.
Itinuro ng Pangulo na isa umano sa mga napatay ay pinakamalaking shabu importer sa Pilipinas.
Kinilala ng Pangulo ang napatay na drug suspect na si Youhua Xu, miyembro umano ng transnational drug trafficking organization.
Sinabi pa ni Duterte na ang mga suspek ay isang malaking sindikato na nag-o-operate sa Southeast Asia at posibleng may koneksiyon sa drug cartel sa Mexico.
Nakumpiska sa mga suspek ang 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 bilyon sa Zambales at sa follow-up operations sa Bataan ay nasamsam ng mga awtoridad ng 80 kilo ng shabu na may halagang P544 milyon. (Josephine Patricio)