Advertisers

Advertisers

Nagsisukong lider ng CPP-NPA-NDF aminadong pabagsak na ang komunistang samahan

0 1,634

Advertisers

TAHASANG ibinunyag kahapon ni Major General Ernesto Torres Jr., commander ng Philippine Army, 10th Infantry “Agila” Division (10ID), na nalalapit na ang oras ng pagtatapos sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa isang ‘virtual’ na balitaan na ginawa nitong Martes (Sept. 7) sa Davao de Oro, sinabi ni Torres na pagpapatunay nito ang malaking bilang ng mga nagsisukong lider ng NPA sa kanilang area, matapos nilang puguin ang mga guerilla fronts (GF) ng komunistang-terorista sa rehiyon.

Ayon kay Torres, makikita ito sa kanilang datos mula nang simulan nila ang kampanya laban sa mga CPP-NPA-NDF noong 2016 hanggang sa taon kasalukuyan (2021).



Sa ngayon, aniya, ay may anim na “active guerilla fronts” na lamang sa kanilang nasasakupan kumpara sa 17 GF noong 2016. At sa anim na aktibong GF na ito, tatlo ang mga “weakened” na o mahihina na — ang GF 18, GF 2, at GF 3, samantalang ang tatlong natitira pa ay binubuhusan na nila ng matintinding “combat operations.”

Dagdag pa ng opisyal, nabawasan na rin ang mga armas ng NPA at maging mga tauhan nito. Kung noong 2016 ay may 1,150 armas ang mga ito, ngayon ay nasa 300 na lamang, at magmula sa 900 tauhan nasa 270 na lamang ito sa loob ng limang taon na nagdaan.



Isa sa magandang indikasyon, aniya, na humihina na ang CPP-NPA-NDF ay ang bilang ng mga barangay na pineste ng mga komunistang-terorista, na naging 12 na lamang ngayong taon (2021) mula 193 barangays noong 2016.

Kasabay ng pahayag ni Torres ay ang pagprisenta nila sa labing-dalawa ring matataas na lider ng NPA na sumuko na.



“Gusto kong magbagong buhay na, kasi nakita ko naman ang malaking kaibahan sa gobyerno ngayon,” ito ang sinabi ng dating senior NPA leader na si Eddie Genelsa alias “Lando Pahak,” “Brad,” at “Jimbo,” na dati rin ‘political consultant’ ng NDF at vice commanding officer ng Regional Operations Committee (ROC), ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) ng NPA.

Isa rin sa mga nagsisuko ang 28- anyos na si Arianne Jane Ramos alias Ka Marikit, na sumuko lamang nitong Aug. 1, 2021, dahil sa tindi ng bakbakan na kanyang naranasan sa pagitan nila at ng militar.

Sabi ni Ramos, bago ang kanyang pagsuko, habol-habol sila ng tropa ng 1003rd Infantry Brigade sa loob ng tatlong buwan na nagresulta ng pagkamatay ng kanyang partner na si Rommel Tausan, ang NPA commanding officer.

Samantala, si Christian Pastor alias “Khan” na dating commanding officer ng NPA-GF 33 sa Southern Regional Command (SRC), SMRC sa Davao De Oro ay sumuko naman din noong December 2020 dahil hindi na aniya maramdaman ang suporta ng mga tao sa kanilang armadong pakikibaka.

Ang iba ang dating NPA lider na sumuko at prinisenta ay sina Joy James Saguino alias “Amihan,” deputy secretary NPA-GF 20; Kurt Russel Sosa alias “Ugnay,” secretary ng GF34 at GF3; Daniel Castillo alias “Ka Steven,” political instructor ng GF 55, at ang kanyang ina na si Paulette Castillo alias “Ella,” regional coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP); Roberto Rosete Jr. alias “Bobby,” commanding officer ng Pulang Bagani Command (PBC); Pedro Arnado alias “Benoy,” regional chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP); Ivan Cael alias “Mackoy,” secretary ng SRC3, SMRC; Noel Legazpi, deputy secretary ng NPA Far South Mindanao Region (FSMR); at Rorilyn Ba-y-ao, isang indigenous people (IP) at lider ng bakwit school na Haran.