Advertisers
TATLONG Chinese nationals ang natimbog at nakunan ng 80 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P500 million sa Bataan sa follow-up at pursuit operations kasunod ng P3.4 bilyong drug buy bust operation sa Zambales nitong Martes, Sept. 7.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva, ang follow-up operation ay ikinasa sa Barangay Tipo, Hermosa, Bataan sa pamumuno ng PDEA kasama ang PNP Drug Enforcement group (PNP-DEG), NICA, ISAFP at Bureau of Customs laban sa mga kasamahan ng unang apat na napatay na Chinese drug traders sa Candelaria, Zambales.
Kinilala ni Villanueva ang tatlong naaresto na sina Qing Chang Zhou alyas Ricky Chou, 37 anyos; Cai Cai Bin alyas James/Joseph Chua, 49; at Longcai Chang, 45, lahat tubong Fujian, China at residente ng Binondo, Manila.
Ayon kay PNP Chief, General Guillermo Eleazar, na-monitor ang mga ito na papaalis sa lugar ng operasyon sa Zambales kungsaan nasawi sa pakikipaglaban sa mga awtoridad sina Gao Manzhu, 49; Hong Jianshe, 58; Eddie Tan, 60; lahat mula rin sa Fujian; at, Xu Youha,50, mula Quezon City.
Si Xu, alyas Taba, ang umano’y main contact ng international drug syndicate at isa sa biggest importer ng illegal drugs sa bansa at miyembro ng transnational drug trafficking organization.
Sa kabuan, nasa 580 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng halos P4 billion ang nasamsam ng PNP at PDEA sa magkasunod na operasyon.
Sinabi ni Villanueva na ang dalawang operasyon sa Zambales at Bataan ay nasa ilalim ng Case Operational Plan “Whisperer” na supervise ni Asec. Gregorio Pimentel, PDEA Deputy Director General for Operations.
Dagdag pa ng PDEA Chief, ang dalawang operasyon ay malaking dagok sa supply chain ng illegal drugs at sa mismong sindikato lalo at na-neutralize ang isa sa malaking isda ng sindikato.
“This is a perfect example of inter-agency collaboration which resulted in a major blow to the supply chain of illegal drugs”, pahayag ni Villanueva.
Ang mga nasabing iligal na droga ay in-smuggle sa bansa sa pamamagitan ng international waters gamit ang maliliit na mga barko at tina-transport sa coastal waters at saka i-pick-up ng kanilang local illegal drugs distributors.
Sa ngayon, mayroong ginagawang pursuit operation ang PNP at PDEA laban sa ilan pang sindikato.
Una nang ipinag-utos ni PNP Chief ang deployment ng kanilang PNP helicopters at speedboats para tumulong sa ongoing pursuit operation laban sa mga sindikato ng iligal na droga.
Kasalukuyang nagpapatrolya ang mga fastcrafts ng Maritime Group sa karagatan ng Central Luzon at nagsasagawa rin ng aerial patrol ang helicopters ng PNP.
(Rey Velasco/ Mark Obleada/ Koi Laura)