Advertisers
Iginiit ni Senate Committee on Health chairman, Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang bigyan ng fixed monthly Special Risk Allowance (SRA), kapwa ang public at private healthcare workers (HCWs), na pisikal na nagre-report o nagdyu-duty sa ospitals at iba pang health facilities sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Hiniling ni Go sa concerned authorities na magkaloob ng angkop na level of flexibility sa implementasyon ng probisyon ng Bayanihan to Recover As One Act na nagbibigay ng legal na basehan sa provision ng SRA.
“Bigyan natin ng sapat na suporta ang medical frontliners. Bawat araw ay nasa panganib ang kanilang buhay. Siguraduhin nating mabibigyan ang lahat ng qualified healthcare workers ng Special Risk Allowance at iba pang insentibo o benepisyo na naaayon sa batas,” ang apela ni Go.
Umapela si Go na kung kakayanin ng pondo ay bigyan na ang lahat nang qualified ng fixed amount ng SRA kaysa bilangin pa ang kanilang pag-duty bawat araw.
Sa kasalukuyan, ang lahat ng HCWs na direktang tumutugon o may contact sa COVID-19 patients ay nakatatanggap ng SRA na hindi lalagpas sa P5,000 kada buwan. Ang nasabing allowance ay base sa bilang ng araw na sila ay pisikal na nag-report sa trabaho, batay sa Administrative Order No. 42 na nilagdaan ni President Rodrigo Duterte noong June 1.
Bukod pa rito, sinuportahan din ni Go ang pagpapalawak ng probisyon ng SRA sa lahat ng HCWs na nagsisilbi sa mga ospital.
“Lahat naman ng health workers na naka-duty ay maituturing na exposed sa banta ng COVID-19. Hindi nakikita ang kalaban na ito kung kaya mahirap paghiwalayin pa kung sino ang exposed at sino ang hindi,” ani Go.
“’Pagdating mo sa ospital, ‘di mo naman masasabi. Once nasa loob ka na, prone at maituturing na exposed ka na rin. Hindi mo masabi na walang virus sa dinaanan mong floor dahil dito lang ang virus kasi hindi nga natin nakikita ang kalaban,” paliwanag niya.
Kaya sinabi ng senador na kung kakayanin naman ng pondo, ibigay na ang lahat ng suportang pwedeng ibigay sa medical frontliners dahil sila naman ang maituturing na mga bayani sa laban na ito.
“Hindi natin masusukat ang panganib na hinaharap nila base sa ilang araw sila in direct contact sa may sakit. Dahil habang nasa duty sila at nag-aalaga sila ng may sakit, considered at risk na po sila,” idiniin ng mambabatas.