Advertisers
MALAPIT na ang halalan, at abala na ang lahat sa mga posibleng mangyari sa eleksiyon sa Mayo 2022.
Pero hanggang ngayon ay bigo pa rin ang grupo ni VP Leni Robredo na tapatan ng tamang estratehiya na kukumbinsi sa mamamayan na iboto ang kanilang mga kandidato.
Aminin man at hindi ng kabilang barberya ng politika, up to now kasi ay hindi makapagpasiya si VP leni kung aarangkada siya sa karera dahil palagi siyang kulelat sa lahat ng survey, maliban sa isa, na halatang minapula ang resulta.
Pulutin kaya silang lahat sa kangkungan, at matulad sa kapalarang sinapit ng 8-deretso sa inodoro?
***
Maging ang pasimuno ng 1Sambayan na si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ay malaki ang problema kung paano pipigilan ang mga umaarangkada at nangunguna sa lahat ng survey na tulad nila Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Davao City Mayor Sara Duterte, Bongbong Marcos at iba pa.
Wala kahit isang kandidato ang tropa ni Leni o ni Carpio na matatawag na winnable, at magagawa lamang nila, kung magbabago ng estratehiya at mag-ampon ng kandidatong sa tao ay mabango.
Puro kasi utak-elitista, utak-intelektwal daw sila at ang masa ay estupido at bobo.
Hindi nila naisip na ang “bobotante” ang magpapasiya sa halalan, naiintindihan at nauunawaan nyo po ba Sen. Kiko Pangilinan?
‘Wag kasing feeling disente at banal?
Nakalimutan ata nila, “politics is addition, not pure opposition.”
Mag-alok kayo ng mahusay na alternatibo at palawakin ang pagtanggap sa nais kumampi; ‘wag maging matapobre!
***
Sa darating na May 2022 elections, lahat ng rehistradong botante ay magpakita ng ating tunay na kapangyarihan sa pamamagitan ng banal na balota.
Ang mga kandidato sa pagka-pangulo at vice president, mga senador, kongresista, mga mayor, bise-alkalde, gobernador, bise-gobernador, mga konsehal at bokal, sila ay ating hahatulan.
Tandaang malaki ang epekto – maaaring masama o mabuti ang idudulot ng ating pagpili na uukit sa bagong kabanata ng kasaysayan ng Pilipinas.
Ang mga tanong na dapat sagutin ay ito, lalo na ang kampo ng kasalukuyang administrasyon.
Bakit kulelat na ang Pilipinas, at ito ay napag-iiwanan na ng mga kalapit na bansa partikular sa Asya na ngayon ay umabante na at nilampasan na ang ating bansa sa larangan ng kabuhayan, kaunlaran, negosyo, kalakalan at maging sa estado ng katahimikan at kaayusan.
Sa loob ng kulang anim na taon, ano ba ang ipinagbago ng Pilipinas: umabante ba ito o parang tulirong pagong na hindi makasulong at ang takbo ay paurong?
Marami pang tanong, lalo na ngayon na tayo ay nasa gitna ng COVID-19 pandemic, pero ang mga ito ay makasasapat na upang magkaroon ng matinong pagpili ng mga dapat mamuno sa Pilipinas sa susunod na anim na taon.
Isa pang dapat na pansinin: bakit pulos character assassination, walang kawawang paratang at gawaing mapanakot at estilong ala-martial law ang umiiral ngayon sa Pinas.
Dapat nga’y maging pugad ng malayang pagpapahayag at pagkilos ang Pilipinas pero ang mga dokumentong naitala sa mga samahang sibiko na mga insidente ng pagpatay at basta-bastang pagkitil ng buhay, pananakot at mga bantang pananakit na pisikal ay patunay na ang kasalukuyang administrayon ay nakaaamoy ng hindi na mapipigilang pagkatalo.
‘Wag hayaang ang malapit na tagumpay ay mabalewala sa pagsuko sa karapatang iboto ang mga lalaki at babaeng may nakahandang na maayos plano at programa para ang Pilipinas ay muli maging moderno, at kahanga-hangang bansa sa buong mundo.
Ito ang alok ng masigasig, matalino at mahusay na public servant na si Yorme Isko, at ‘wag na hayaang makawala pa ang pagkakataong ito na maging bahagi ng malaking pagbabago sa hinaharap para sa kapakanan at pag-unlad ng Pilipinas.
Wakasan na ang madilim na bukas ng Pilipinas at pawiin ang ligalig at palitan ito ng maayang bukas at pag-unlad.
Ano ang NAIS mo sa 2022?
Ikaw NaISKO sa 2022.
Pilipinas, God First!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.