Advertisers
INIREKOMENDA ni Ombudsman Samuel Martires ang mas mahigpit na parusa sa sinumang magkokomento sa statement of assets, liabilities and net worth (SALNs) ng mga government officials at employees.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa proposed P3.967 billion 2022 budget ng Office of the Ombudsman nitong Huwebes, sinabi ni Martires na inirekomenda niyang makulong ng hindi bababa sa limang taon ang sinumang gagamit ng SALN bilang armas para sirain ang reputasyon ng isang indibidwal.
Ginawa ito ni Martires matapos na singilin ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate sa kung kailan mailalabas ang SALN ni Presidente Rodrigo Duterte.
Saad ni Martires, nagtaka lang siya kung bakit masyado raw interesado ang publiko sa SALN ng Presidente at ng Bise Presidente, pati na rin iyong sa ibang mga opisyal ng pamahalaan.
Sinabi pa ni Martires, na nagretiro ng maaga bilang Supreme Court Justice para humalili kay Ombudsman Conchita Carpio Morales tatlong taon na ang nakalipas, dapat maamiyendahan na ang Republic Act No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, upang sa gayon ay mapalakas ang ngipin ng mga restrictions sa SALN.
Giit pa nito, malinaw sa nakasaad sa Republic Act No. 6713 na ang SALN ay para lamang sa publication ay hindi sa anumang commentary.
Matatandaan na Setyembre 2020 nang inilabas ni Martires ang Memorandum Circular No. 1 na nagbibigay ng restrictions sa release ng SALNs.
Maari lamang aniyang mailabas ang naturang dokumento kung manggagaling sa isang government official ang request, o sa kanyang official representative na naghain nito; kung ito ay ipinag-utos ng korte para gamitin sa nakabinbin na kaso; at kung ito ay bahagi ng fact-finding probe ng Office of the Ombudsman.
Nabatid na mula noong 2018 ay hindi inilalabas ni Pangulong Duterte ang kanyang SALN, na ayon kay presidential spokesperson Harry Roque ay depende sa desisyon naman ng Ombudsman. (Josephine Patricio)