Advertisers

Advertisers

Desidido sa pagka-VP… ‘SUBSTITUTION’ ITINANGGI NI BONG GO

0 250

Advertisers

Itinanggi ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga espekulasyon na magkakaroon ng “substitution” para bigyang daan ang kandidatura ng isang inbdibidwal sa pagsasabing desidido siyang ituloy ang pagtakbo niyang bise-presidente ng bansa sa darating na 2022 elections.

“I can’t speak for the other candidates. Hindi po ako makapagsalita kung ano po ang magiging desisyon ng partido… As far as I am concerned, sa aking tinakbuhang posisyon, desidido na po ako,” sabi ni Go matapos siyang makapanayam sa pagbubukas ng ika-143rd Malasakit Center sa Doña Maria D. Tan Memorial Hospital sa Tangub City, Misamis Occidental noong Martes.

“Desisyon po ‘yan ng partido at ni Pangulong Duterte since he withdrew, hindi na siya tumuloy bilang kandidato as vice president. Kaya ako po ‘yung pinatakbo ng partido at ni Pangulong Duterte dahil kailangan po namin na meron tayong timon na magdadala at magpapatuloy ng mga adhikain ng PDP at ng administrasyong ito,” idinagdag ni Go.



Ayon kay Go, nahamon siyang tumakbo sa pagkabise-presidente matapos magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na magretiro na sa pulitika.

Sinabi ni Go na naghahanda na ang ruling party, PDP-Laban para sa halalan at kinakailangang may titindig para sa partido at administrasyon na maipagpatuloy ang mga programa o positibong nasimulan ni Pangulong Duterte.



“So I accepted the challenge to run as VP candidate po ng PDP. Ako po ay desidido at tuloy tuloy na po ito ang aking pagtakbo bilang VP,” idiniin ni Go.

Anang senador, determinado siyang ipagpatuloy ang Duterte legacy, at sa pagtulong sa bansa na makabangon sa pandemya upang mabigyan ng maginhawang buhay ang Filipino, partikular ang mga vulnerable at ang mga nawawalan ng pag-asa.



“Ang importante para sa akin dito ay ‘yung mga programang naumpisahan ni Pangulong Duterte na maipagpapatuloy ‘yung magagandang programa po at dagdagan pa natin ng iba pang programa na makatulong sa ating economic recovery dahil talagang nabigla tayo nitong COVID-19 pandemic,” ani Go.

“Ang importante para sa akin ngayon ay economic recovery, makabalik na tayo sa normal na pamumuhay. ‘Yun po ang importante,” dagdag niya.

Sa kabila ng umaapaw na suporta sa kanyang kandidatura, sinabi ni Go na hindi siya magpapakakampante sa kanyang tsansa sa halalan.

Aniya, sa huli ay ang taongbayan pa rin ang masusunod kung sino ang nais nilang ihalal.

“Wala pong rason para magkumpiyansa dito. Ang taumbayan po ang huhusga kung sa tingin n’yo sino po ang makakapaglingkod o makakapagserbisyo sa inyo. Basta ako po, pagdating ng panahon, darating din ang panahon ng campaign period. ‘Wag lang po ngayon, unahin muna natin ang serbisyo,” ani Go.

“Inuulit ko, hindi po ako pulitiko. Nagkataon lang po na nandito ako bilang inyong senador. Pero hindi ko ikinukunsidera ang sarili ko bilang isang senador lamang… Ikinukunsidera ko po ang aking sarili bilang public servant na handang magserbisyo po sa inyo,” pahabol pa niya.