Advertisers
HALOS umabot na sa 2.6 million vaccine doses ang naiturok na ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno, kung saan sinabi niya rin na may 1,362,957 indibidwal o 100.84 percent ng mga residente ng lungsod na kwalipikadong mabakunahan ay nakatanggap na ng kanilang first dose ng anti-COVID-19 vaccine, ito ay base sa tala ng Commission on Election at Department of Health.
Base sa datos ng Comelec, ang kabuuang bilang ng mga kwalipikado sa bakuna o yung mga 18-anyos pataas ay 1,065,149 habang ang Department of Health naman ay 1,351,487.
Labis na nagpasalamat at pinuri ng alkalde si Vice Mayor Honey Lacuna at ang lahat na bumubuo ng Manila Health Department sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan para sa patuloy na tagumpay ng mass vaccination program ng pamahalaang lungsod. Sina Lacuna at Pangan ang siyang namamahala ng health cluster ng lungsod.
Pinasalamatan din ni Moreno ang lahat ng mamamayan ng lungsod sa pagtitiwala sa sistema at sa pagtugon sa panawagan niya na magpabakuna.
Sinabi ng alkalde na hanggang October 12, 2021, ay nasa 2,578,717 vaccine doses ang naiturok na sa mga residente ng lungsod.
Ang mga nakatakdang tumanggap naman ng kanilang second dose ay umabot na sa 107.08 percent habang ang mga indibidwal na fully vaccinated na ay nasa 1,254,567.
Samantala may 1,005 active COVID-19 cases ang naitala noong October 12 habang ang kabuuang bilang ng mga nasawi ay nasa 1,637 at ang mga gumaling naman ay nasa 84,934.
Sampaloc pa rin ang may pinakamaraming active cases na umabot sa 316, sumunod ang Tondo 1 na may 98 at Tondo 2 na may 96 active cases. (ANDI GARCIA)