Advertisers
Bistado ang isang babaeng nagpanggap na agent ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa Pikit, Cotabato nitong Lunes.
Kinilala ang suspek na si Meah Clar Boncawil Sisiban, 23 anyos, walang trabaho na taga Brgy. Banago, Balabagan, Lanao Del Sur.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga kapulisan, nagsasagawa umano ng surveillance at casing operation si Sisiban sa Brgy. Ladtingan, Pikit, Cotabato matapos itong nagpakilalang PDEA Agent.
Isang concerned citizen ang nagbigay-alam sa modus ng suspek kung kaya’t agad itong nirespundehan ng mga operatiba.
Naaresto si Sisiban makaraang walang maipakitang ID at dokumento na nagpapatunay na siya nga ay isang PDEA Agent.
Kaugnay nito, pinabulaanan din ng PDEA-North Cotabato na miyembro nila si Sisiban.
Himas-rehas na ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong Usurpation of Authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code.