Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao…” (Santiago 2:1, Ang Tanging Daan, Bibliya).
-ooo-
COMELEC, INUULAN NG MGA AKUSASYON NG PAGKAMPI O PAGKILING SA MGA KANDIDATONG MAYAYAMAN: Inuulan ngayon ang mga abogado ng Commission on Elections ng mga akusasyon mula sa ilang mga kandidato sa Halalan 2022 na nahaharap sa diskuwalipikasyon sa kanilang mga kandidatura batay sa kahilingan ng Law Department ng Comelec.
Ayon sa mga kandidatong kinasuhan ng Law Department sa Commision on Elections proper para sa pagpapabalewala ng kanilang mga certificates of candidacy, maliwanag na may kinikilingan at pinapaboran ang Comelec, partikular yung mga mayayaman at may kapangyarihan sa bayan at sa pamahalaan.
Binabatikos ng mga namumurong mapigilan sa kanilang pagtakbo sa Halalan 2022 dahil sa disqualification ang ilang Comelec lawyers na ayaw pahintulutan ang mga kandidatong mula sa hanay ng mga mahihirap at mga yagit sa lipunang Pilipino.
Hindi na makatwiran ang mga pagkilos ng Law Department ng Comelec upang ma-disqualify ang ilang mga kandidato sa kanilang pagtakbo, lalo na sa Halala 2022, dahil lamang sa walang sapat na magagastos ang mga kandidatong ito sa pangangampanya, o bilang suporta sa kanilang paglilibot upang magpakilala at mangumbinsi ng mga botante sa apat na sulok ng Pilipinas.
-ooo-
MGA KANDIDATONG MAHIHIRAP AT KULANG SA PANANALAPI, DINI-DISQUALIFY NG COMELEC: May naging desisyon na kasi ang Korte Suprema noon pang 2019, dagdag pa ng mga kandidatong kinasuhan na ng Law Department ng Comelec, kung saan pinagbawalan na ng Kataas-taasang Hukuman ang poll body na i-disqualify yung mga kandidatong walang sapat na pera na kanilang magagamit sa kanilang kandidatura.
Ang 2019 case na ito ng Korte Suprema ay kilala bilang “Marquez vs. Commission on Elections”. Ang pasya ng Korte ay sinang-ayunan ng halos lahat ng mahistrado ng hukuman. Sinulat ito ni dating Associate Justice Francis Jardeleza.
Naririto ang ilang mahahalagang bahagi ng desisyong ito, sa wikang Ingles: “The COMELEC gravely abused its discretion when it declared (a person) a nuisance candidate on the ground of lack of proof of his financial capacity to wage a nationwide campaign…”
Idinagdag ng Supreme Court: “By so doing, the COMELEC has effectively imposed a `property qualifications are inconsistent with the nature and essence of the Republican system ordained in our Constitution and the principle of social justice underlying the same’…”
-ooo-
SC, NAGSABING DI PUWEDENG I-DISQUALIFY NG COMELEC ANG MGA KANDIDATONG WALANG PERA: Ang kasong ito ay dumating sa Korte Suprema matapos magpasya ang Comelec na hindi patuluyin sa kandidatura bilang senador ang isang Nelson Cordero Marquez noong 2019 mid-term elections.
Idinahilan ng Comelec na ang pagiging kandidatong senador ay nangangailangan ng pagpapakita ng kandidato na may kakayahan siyang pinansiyal upang maisagawa ang isang seryosong pambansang kampanya.
Kinuwestiyon ito ni Marquez sa Korte Suprema, na agad namang nagdesisyon na pahintulutan si Marquez sa kaniyang pagtakbo, taliwas sa desisyon ng Comelec.
Sinabi ng Korte Suprema na hindi akma sa Saligang Batas ang diskuwalipikasyon ng isang kandidato batay lamang sa kaniyang kawalan ng pera, dahil lumilitaw na pang-mayaman lamang ang mga eleksiyon sa Pilipinas.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.