Advertisers
BUNGA ng matinding dagok na gawa ng pandemyang COVID-19, napilitang magtanggal ng mga kawani ang maraming micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa bansa; at ang iba ay tuluyan nang nagsarado.
Batay sa pag-aaral, 99.5 percent (%) ng negosyo sa Pilipinas ay mula sa MSMEs at 63 % ng milyon-milyong trabahador nito ay nag-aambag sa 40 % ng ating gross domestic product (GDP).
Ito ang malagim na kalagayan ng ekonomya ng bansa na kailangan ang Bilis-Aksyon upang matugunan ang gutom ng milyon-milyong pamilyang Pilipino.
Ipininta ang malungkot na larawang ito ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nang makipagpulong siya sa mga kawani ng Pampanga’s Best na popular na prodyuser ng masarap na tocino sa San Fernando City.
Kaharap ang mga trabahador ng Pampanga’s Best, inilahad ni Yorme Isko, kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko kung paano ibabangon ang MSMEs at malalabanan ang kawalan ng trabaho at gutom.
“Nag-invest kami, namuhunan kami sa Maynila sa housing, education and health. Bakit, ito ang pangunahing kailangan ng tao at dito kami nag-invest . And this is what we did in Manila,” sabi ni Isko.
Ipinaliwanag niya na 17 ulit ang dami at bungang pakinabang sa ganitong pamumuhunan.
“… by investing in housing, at least, the multiplier effect is 17 times, so your peso will go 17 times much longer in housing. That has never been done in the Philippines in the past,” paliwanag ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
Ito ang “Marshall Plan” na nagbangon sa lugmok na ekonomya ng mga bansa sa Europe matapos ang World War II.
Dalawang hakbang sa ‘Mini-Marshall Plan’.
Ayon sa alkalde, una, nakipagsosyo ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa Departments of Trade and Industry and Agriculture, Land Bank and Development Bank of the Philippines at nagplano sila kung paano muling bubuksan at pasisiglahin ang negosyo ng MSMEs.
Ikalawa, nagpautang ang pamahalaang lungsod, sabi ni Yorme Isko.
Ang salaping ipapautang ay kukunin sa internal revenue allotment (IRA), ayon sa Mandamas ruling ng Supreme Court noong 2018 at pinagtibay noong 2019.
Sa desisyon, umabot sa 55 percent mula sa IRA ang kasama sa 2022 budget na tinatayang nasa Php1.08 trilyon o 4.8 % ng GDP ng bansa.
Ipinaliwanag ni Isko na kung siya ang mahalal na pangulo, hihikayatin niya ang mga LGU na gamitin ang dagdag na salapi mula sa IRA na naipon sa maraming taon na isanla sa DBP o sa mga pribadong bangko.
Ang salaping mula sa IRA ay ipauutang o isasanla sa mga banko upang gamiting puhunan sa pagpapatayo ng pabahay, iskwelahang kumpleto sa computers, at mga ospital, sabi ni Yorme Isko.
Ikinuwento ni Isko sa kaharap na manggagawa ng Pampanga’s Best na sa loob ng dalawa’t kalahating taon niya sa Maynila, halos sabay-sabay na nagpatayo siya ng maraming mass housing project, tulad ng Basecommunity na inokupahan na noong nakaraang Agosto.
Malapit nang makumpleto ang Tondominium 1 at 2, pati ang Binondominium, bukod ang Pedro Gil, San Lazaro at San Sebastian Residences na magkasabay nang itinatayo ngayon.
Libo-libong trabaho ang naibibigay ng mga proyektong ginawa niya sa Maynila, gayundin ang malaking pakinabang sa mga maysakit, sa mga estudyante at kabataan ang mga programa sa kalusugan, edukasyon at hanapbuhay, paliwanag ni Yorme Isko.
“Sa awa ng Diyos, kapwa tao, kapwa Pilipino, nagawa natin ito sa Maynila. Magagawa rin natin ito kung ako po ay papalarin sa eleksyon sa susunod na taon,” sabi ni Isko.
Tinukoy niya ang konstruksiyon ng 344-bed Manila COVID-19 Field Hospital sa Quirino Grandstand na natapos sa loob ng 52 araw at ginagamit na mula pa noong Hunyo.
Sa Disyembre, maaari nang tumanggap ng mga pasyente ang 10-storey world-class Bagong Ospital ng Maynila at itinatayo na rin sa loob ng Baseco community compound ang President Corazon C. Aquino General Hospital.
Kasalukuyang tinatapos ang modernong Rosauro Almario Elementary School sa Tundo na kumpleto sa kompyuter, air conditioning units at elevator, pati ang Dr. Carlos Albert High School sa Sampaloc at sa Manila Science High School sa Taft Avenue.
Nagawa ito ng pamahalaang lungsod sa kabila ng umiiral na pandemya, at malaki ang maitutulong ng dagdag na salaping mula sa IRA bunga ng Mandanas ruling, sabi ni Yorme Isko.
Uunahin ng gobyernong Isko-Doc Willie Ong kung mananalo sa eleksiyon sa Mayo ang totoong tulong sa tao, sabi ni Yorme.
“Hindi po iiral sa atin ang politika. Bilis Aksyon ang gagawin natin at hindi tayo sumusuko sa pandemya. Hinaharap natin ang problema na buo ang loob; nag-iisip; pinag-aaralan; at kayang-kayang gawin,” sabi ni Yorme Isko.