Advertisers
BUNSOD ng umano’y pamumutiktik ng text spams o sinasabing alok na trabaho, agad na inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga telcos na magpadala ng text blast sa kanilang mga subscribers para balaan ang mga ito.
Nabatid na ang hakbang ay ginawa ng NTC kasunod ng mga ulat na kalat na kalat na ang mga ganitong SMS messages.
Sa memorandum order ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, inatasan ng opisyal ang Digitel Mobile Philippines, Globe Telecoms, Dito Telecommunity, at Smart Communications na mag-text blast na naglalaman ng mensahe na
“Babala! Huwag maniwala sa text na di-umano’y nag-aalok ng trabaho. Huwag po magbigay ng personal na impormasyon. Ito po ay isang scam.”
Maliban dito, ipinag-utos din ng NTC sa mga telcos na magsumite ng ng compliance report bago o pagsapit ng Disyembre 14, 2021.
Magugunitang nakatanggap umano ang libo-libong users ng text messages o emails tungkol sa alok na trabaho na tinawag naman ng mga awtoridad na scams.