Advertisers
PATULOY ang panggugulat ng bagitong Zamboanga Sibugay at Kapatagan sa kanilang mga huling laban upang magsalo sa liderato ng Choooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge Lunes ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga Del Sur.
Naungusan ng Anak Mindanao Warriors ang liyamadong Basilan BRT, 62-61, para sa ika-apat na sunod na panalo matapos ang 0-2 simula sa kauna-unahang professional basketball league sa South.
Binasag ni Shaq Imperial ang 58-all sa pahirapang jumper bago nasundan ng lay-up ni Enrique Caunan para makaarya ang Anak Mindanao Warriors sa 62-58 may 48.5 segundo ang nalalabi.
Nagawang maisalpak ni Jorem Morada ang three-pointer at nakuha ng Peace Rider ang pagkakataon na agawin ang panalo subalit nagmintis sa kanilang pagtatangka sina Med Salim at Morada sa buzzer.
“Stay composed lang kami palagi. Every possession composed lang,” pahayag ni Warriors head coach Arnold Oliveros. “Huwag mataranta, isecure namin ‘yung boards, walang second chance points.”
Bunsod ng panalo, humapit ang Zamboanga Sibugay sa 4-2 karta at makisosyo sa liderato sa Kapatagan, habang sumadsad ang dating walang talong Basilan sa 3-3 marka.
Nakopo ng Kapatagan ang ika-apat na panalo nang pahiyain ang home team Pagadian, 69-62.
Nagawang mahabol ng Explorers ang 13 puntos na kalamangan sa third period tampok ang 21-9 run para sa 58-59 may 3:13 ang nalalabi sa laro. Ngunit, sapat ang lakas at katatagan ng Buffalos, sa pamamagitan nina Edrian Lao, Mark Daanoy, KD Ariar, at Joel Sollano ay kumana sa 10-4 closing run tungo sa panalo.
“Puso ang sandalan namin. Ayaw ng mga players magpatalo tapos ‘yung mga veterans ko tinuturuan ‘yung mga rookie na relax lang,” pahayag ni Kapatagan head coach Jaime Rivera.
Nanguna si Daanoy sa Buffalos sa naiskor na 12 puntos, habang tumapos si Ariar ng 11 puntos at 10 rebounds.
Sa Warriors, hataw si Lester Reyes sa nakubrang 13 puntos, pitong rebounds, at dalawang blocks, habang nagsalansan si Imperial ng 12 puntos.