Advertisers
NAWALAN ng cellphone ang ilang kabataan nang hablutin ng riding-in-tandem habang nagti-Tiktok ang mga ito sa tabing-kalsada sa Caloocan City.
Sa ulat, makikita sa CCTV ang pagtayo ng isang batang babae na tila sumasayaw, habang nagti-Tiktok silang magkakaibigan 6:00 ng gabi nitong Lunes sa Barangay 172 sa nasabing siyudad. Ilang saglit pa, sumulpot ang riding-in-tandem at inagaw ang celfone nito.
Nagtatakbo ang batang babae kasama ang mga kalaro nang tangayin ang kaniyang cellphone ng mga tulisan.
Hindi pa natapos ang tulisang tandem at inagaw din nila ang cellphone ng isang binatilyo.
Natulala na lamang ang mga bata matapos tumakas ang mga tulisan.
“Na-trauma po ako. Hinawakan po ako rito tapos dahan-dahan pong kinuha ‘yung cellphone ko,” sabi ng batang babaeng inagawan.
“Hindi po ako nakagalaw, nagdilim po ‘yung paningin ko. Huwag daw po akong sisigaw, babarilin daw po nila ako,” sabi naman ng binatilyong ninakawan.
Dagdag-problema pa sa mga bata ang pagkawala ng kanilang cellphone dahil naroon ang kanilang module sa paaralan.
Ipinagbigay-alam na ng mga biktima ang insidente sa mga opisyal ng barangay.