Advertisers

Advertisers

5.6% paglago ng Phl GDP noong 2021, ikinatuwa ni Bong Go

0 93

Advertisers

PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga pagsisikap ng Duterte administration sa pagbangon sa mga hamon sa ekonomiya na dulot ng pandemya matapos na mag-ulat ang bansa ng Gross Domestic Product growth rate na 5.6% noong 2021, lumampas sa mga naunang target.

“Ang 5.6% GDP growth ng Pilipinas sa buong taon ay isa sa pinakamataas sa buong Southeast Asia, ayon sa datos. Inaasahan ng mga eksperto na 1-4% lang ang GDP growth ng mga bansa sa rehiyon dahil sa kasalukuyang pandemya,” ani Go.

Para sa ikaapat na quarter lamang, ang bansa ay nagtala ng 7.7% na paglago, na nagtulak sa unahan ng karamihan sa mga kapitbahay nito. Dahil dito, pinapanatili ng gobyerno ang ambisyosong target nito na 7% hanggang 9% na paglago sa 2022.



“Since day one ng pandemya, maingat na binabalanse ng gobyerno ang kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan natin. Kahit may krisis, sinisikap nating maging malakas at maunlad ang ekonomiya upang magkaroon muli ng trabaho ang mga nawalan at maiwasan ang gutom at hirap,” ayon kay Go.

“Hangad ng administrasyon na mabigyan ng mas maginhawang buhay ang maraming Pilipino sa kabila ng mga hamon sa katatagan ng ating bansa,” aniya pa.

Nabanggit ng mambabatas na posible ang malakas na ganap na paglago ng bansa dahil sa mas maraming negosyong muling magbubukas. Ang industriya at mga sektor ng serbisyo ay lumago ng 8.2% at 5.3%, ayon sa pagkakabanggit. Ang pribadong pagkonsumo ay tumaas din ng 4.2%.

Habang tinatanggap ang mga pag-unlad na ito, nagbabala ang senador na ang tuluy-tuloy na pagkalat ng COVID-19 at ang mga variant nito ay maaaring makagambala sa mga aktibidad sa ekonomiya sa hinaharap. Binigyang-diin niya ang pangangailangang mapanatili ang isang agresibong pagbabakuna upang mapabilis ang pagbabalik sa normal.

“Maganda na sana ang direksyon ng ating recovery efforts kung hindi dumating itong Omicron at dumami muli ang bilang ng nagkakasakit. Pero marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat. Patuloy tayong maging disiplinado at mag-ingat. Huwag natin sayangin ang pinaghirapan natin noong nakaraang taon,” idiniin ni Go.

“Kung mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng proteksyon gamit ang bakuna, mas kokonti ang bilang ng mga tinatamaan ng malubhang sakit. Posibleng mas luluwag pa ang mga patakaran para sumigla pa ang ating ekonomiya,” ayon sa senador.



“Siguraduhin lang natin na mas ramdam sa ibaba ang paglago ng ating ekonomiya. At sa muling pagbangon natin, kailangang walang Pilipinong maiiwan,” iginiit niya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More