Advertisers
NAGHAIN ng pinag-isang reklamo ang ilang residente ng lungsod ng Navotas kaugnay ng umano’y maanomalyang pagpapatupad ng ayuda ng pamahalaan para sa maralitang mamamayan nito.
Sa tatlong-pahinang liham na isinumite ng naturang mga Navoteño nitong Abril 8, 2022 sa tanggapan ni Ombudsman Samuel R. Martires at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Joselito Bautista, partikular na inireklamo ng mga ito ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program na ipinapatupad ng DSWD katuwang ang pamahalaang lungsod ng Navotas.
Idinetalye ng mga ito ang kanilang hinaing sa liham na ipinadala rin kina DSWD ASec. Rhea B. Peñaflor at Reg. Dir. Vicente Gregorio B. Tomas. Ang kanilang reklamo ay ipinasa rin kay city social welfare and development head Jennifer Serrano subalit tinanggihan umano ng naturang opisyal.
Ang AICS ay isang uri ng dagliang tulong na iniuukol sa mga mahigpit na pangangailangan ng pinakamaralitang mamamayan, kabilang ang ayudang medikal; at karaniwang rekisito sa paghingi nito ang medical certificate, hospital bill, reseta ng doktor, laboratory request, at certificate of indigency.
Ayon sa kanilang liham ay marami diumano ang natatanggihan ng naturang tulong sa Navotas City sa kabila ng pagkumpleto ng mga nabanggit na papeles.
Lahad pa ng reklamo, may ilang bilang ng maralita rin ang hindi binibigyan ng certificate of indigency sa barangay pa lamang, palatandaan umanong mayroong pinipili ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng naturang tulong.
Sa kabilang banda naman, may mga benepisyaryo ng AICS sa Navotas City na pawang hindi kwalipikado sa naturang tulong.
Ayon sa liham, “ipinagbabawal ang pagbibigay ng pribilehiyo o benepisyo sa mga taong hindi kuwalipikado na tumanggap nito (financial assistance), alinsunod sa Section 3 (e) at (j) ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.”
“Kami po ay mga Navoteño na hirap at hikaos sa buhay na nangangailangan ng tulong o ayuda ng pamahalaang lungsod ng Navotas ngunit tila pinipili nila ang dapat abutan ng nasabing tulong galing sa AICS”.
“Nitong huling payout, sa halip na P3,000.00 ay P1,000.00 na lamamg ang natatanggap ng ilang benepisyaryo,” sa kabila ng napakataas na gastusing medikal, paglalahad pa ng mga nagreklamo.
Nangangamba ang mga naturang Navoteño na nagagamit ang AICS sa pamumulitika sanhi ng paparating na eleksyon.
Kaugnay nito ay hiniling ng mga residente kay Ombudsman Martires ang agad na pag-uukol ng pansin sa naturang hinaing upang matiyak na hindi maiipit ang kahalintulad na ayuda para sa mga gipit na mamamayan dahil lamang sa katiwalian ng ilang lokal na opisyal ng pamahalaan.