Advertisers
Nasawi ang 73-anyos na retiradong miyembro ng Philippine Army nang saksakin ng 67-anyos na kainuman nito sa Purok 6, Barangay Bakal Uno, Nueva Ecija noong Sabado ng gabi.
Kinilala ng Talavera Police ang biktima na si Juanito Dumayas Sr., ng nasabing barangay na idineklarang dead-on-arrival sa Talavera General Hospital ng sumuring doktor.
Naaresto naman ang salarin na nakilalang kapangalan ni 2022 presidential aspirant at dating presidential spokesperson Ernesto Abella, isang helper ng nasabi rin barangay.
Ayon sa ulat, nasa inuman ang biktima at salarin 8:00 ng gabi noong Sabado nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nasaksihan ng kainuman nilang si Ceferino Pangilinan.
Walang anu-ano, bigla nakakuha ng kitchen knife ang salarin na siya nitong itinarak sa gawing dibdib ng biktima.
Agad na humingi ng tulong si Pangilinan sa mga opisyal ng nasabing barangay na siyang nagsugod sa biktima sa pagamutan at sila rin umano ang umaresto at nagdala sa pulisya sa salarin.