Advertisers
In less than eight hours, nahuli ng mga tauhan ni Las Pinas City Police chief, Col. Jaime Santos ang dalawang suspek na nagtangkang kumidnap sa isang menor de edad na babae sa Mariano Alvarez Avenue,Pamplona 5 nasabing lungsod.
Bago ito, nag-viral sa isang post sa social media ang buong kaganapan sa tangkang abduction sa nasabing menor de edad pati na rin ang pagtulong sa batang babae ng tatlong motorcycle riders na tuluyang nagligtas sa biktima.
Makaraang matunghayan ang nasabing pangyayari sa video ng grupo ni Col. Santos, agad na ipinag-utos ng opisyal na magconduct ng follow up operation at back tracking sa mga CCTV footages sa nasabing lugar na posibleng dinaanan ng mga papatakas na suspek lulan ng isang itim na Honda Mobilio.
Kinilala ang unang suspek na kitang-kita sa video na humablot sa batang babae na si Leonard Alfaro, 33 alyas Onak.
Na-trace ang suspek makaraang makuha ng mga tauhan ni Col. Santos ang plate number ng kotse ng mga suspek at matunton ang address ni Alfaro sa pamamagitan ng CCTV footages.
Nang maaresto, suot pa nito ang mismong damit nito na nakuhanan ng video.
Nabawi din kay Alfaro ang isang 357 revolver at isang granada.
Itinuro rin nito ang kanyang kasama na si George “Miako” Caragdag Jr., 46 na naaresto rin.
Nakumpiska rin ng pulisya ang kotse na ginamit sa tangkang pagdukot.
Isa sa mga aral na natutunan sa nangyaring tangkang abduction ay ang aktibong partisipasyon ng publiko na ginawa ng tatlong riders na di nag-atubiling rumesponde at tumulong sa biktima.
Isang magandang pangyayari ay ang pag-upload ng isang netizen sa social media na nakunan nito ng video ang nagaganap na krimen.
Hindi lamang ito nagdokumento sa isang krimeng nagaganap kundi nakatulong din ng malaki sa mabilis na pagkakadakip sa mga walanghiyang suspek.
Sa siyudad rin ng Bacoor, isang insidente rin ng tangkang abduction ang naiulat at nag-viral sa social media na may halos katulad ding modus operandi.
Nakikipag-ugnayan na rin ngayon ang Bacoor, Cavite PNP sa tanggapan ni Col. Santos upang mabatid kung may kaugnayan ang dalawang insidente at kung iisang grupo ang nasa likod nito.
Pinapupurihan din natin ang mabilis na pag-aksyon ng Las Pinas PNP sa pangunguna ni Col. Jaime Santos at ng kanyang mga tauhan upang mabilis na maresolba ang nasabing krimen.
Pinapupurihan din natin ang ipinakitang katapangan at pagbabayanihan ng ating mga kababayan partikular na ‘yung tatlong riders na di nag-atubiling tulungan at respondehan ang menor de edad na biktima.
Malaking tulong din ang social media at mga concerned netizens na aktibo na rin sa pagdodokumento ng mga nagaganap at nangyayaring krimen.
Malaking deterrent din ito sa mga masasamang loob na gumagawa ng krimen.
Lumaki ang posibilidad na maresolba at mabilisang mahuli ang mga kriminal dahil na rin sa aktibo at matapang na partisipasyon ng mga ordinaryong mamamayan.
Again congrats and a job well done sa mga tauhan ni Col. Santos ng Las Pinas PNP.
Saludo rin tayo sa tatlong riders at sa netizen na mabilis na nag-upload ng nasabing nag-viral na video.
Mabuhay po kayong lahat.
May your tribe increased!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com