Advertisers
MAGULO ang pag-iisip nitong “Super Ate” ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na si Senadora Imee Marcos.
Gusto niyang retokehin uli ang batas sa termino ng Barangay at Sangguniang Kabataan, gawing 6 years ang termino ng mga ito at walang reelection. Ito’y para raw makatipid sa gastos sa eleksyon at makagawa ng maayos na proyekto ang mga nahalal na opisyal.
Aprub para sa akin ang naisip na ito ni Imee. Pero dapat ituloy muna ang eleksyon sa Disyembre 2022 bago isa-batas ang pagpahaba sa termino ng barangay dahil sobrang overstaying na ang mga kasalukuyang opisyales, uugod-ugod na nga ang iba. Aba’y higit isang dekada na sila dyan! Okey lang kung ang lahat ay nagtatrabaho, kaso mas marami ang inutil, honorarium nalang ang hinihintay at abusado na sa kapangyarihan!
Mula 2016 ay dalawang beses nang na-postpone ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ang dapat na kada-3 taon na halalan na nakasaad sa ating Saligang Batas ay naging 5 years. Tapos nagkaroon pa ng pagbabago sa isyu ng political dynasty sa barangay at edad para sa SK officials simula noong 2020.
At ngayon ay gusto uli baguhin ni Imee ang batas sa barangay, gawin ngang 6 years ang termino para raw makatipid. Sus!
Inamin ni Imee na nagsinungaling siya nang sabihin niya noong 2020 na hindi na mapo-postpone kailanman ang BSKE matapos baguhin ang batas ukol dito. “I lied, I lied!”, aniya.
Para sa akin, hindi isyu ang pondo sa BSKE. Dahil kasama ito sa paggawa ng national budget. Nagawa nga nilang magpondo sa mga intelligence o confidential funds na hindi natin alam kung saan nilulustay!!!
Kung ang pag-postpone sa BSKE ay para makatipid ng pondo, aba’y mas malaki ang gagastusin rito, sabi ni Comelec Chairman George Garcia. Aabot, aniya, sa P18 billion ang kanilang kakailanganin sa isang taon na postponement dahil kailangan nilang magsagawa uli ng voters registration, bumili ng mga karagdagang gamit, mag-training ng mga magbabantay sa eleksyon at honoraria ng mga guro na mangangasiwa sa halalan.
Ang madalas na pagpaliban sa halalan ng barangay ay isang pagyurak sa kapangyarihan ng mamamayan na magpalit ng inutil nang opisyales.
Sabi ni Imee, naipangako raw kasi ni PBBM sa mga barangay ang pagpaliban sa BSKE. Ouch!
Anyway, malalaman natin sa loob ng linggong ito kung matutuloy o hindi ang halalan. Nasa mga kamay ni PBBM ang bola sa BSKE. Kasalukuyang nasa state visit sa Amerika ang Punong Ehekutibo.
Sa kabilang banda, nagsimula na nitong Lunes ang printing ng balota, sabi ng Comelec chief.
***
Tulad ng mga sinabi ko noon sa kolum na ito, hindi titigilan ng kabilang grupo si Atty. Vic Rodriguez hangga’t hindi mapatalsik bilang Executive Secretary. Nangyari nga!
Napilitan bumaba si Vic dahil sa kaliwa’t kanang isyu laban sa kanya. Isa na rito ang iligal na pagpalabas ng Sugar Order No. 4. Pero kahit wala ang sugar fiasco, talagang tatrabahuin ng mga kontra kay Vic ang mapatalsik siya bilang “Little President”.
Kung ano ang real reason? Daan daang milyones ang mga dahilan noong kasagsagan ng kampanya. Tama ba ako, mga kumpare ko dyan sa Malakanyang?