Advertisers
PARA sa local traffic enforcers: Bawal na kayong mangumpiska ng driver’s license, pero maari ninyong tikitan ang motoristang lumabag sa batas trapiko sa inyong erya.
Ito ang inilabas na memorandum ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjur Abalos matapos igiit ni 1-Rider Partylist Representative retired Colonel Bosita ang pasya ng Korte Suprema at ang mga probisyong nakasaad sa Republic Act 10930 na ang pagkumpiska ng lisensiya ay gawain lamang ng Land Transportation Office (LTO), ang tanging ahensiya ng gobyerno na na nag-iisyu ng driver’s license.
Ang maari lamang gawin ng local traffic enforcers ay ang mag-isyu ng tiket sa motorista na lumabag sa batas trapiko sa kanilang nasasakupan. Maliwanag yan, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Partikular kong binanggit itong MTPB ni Mayor Honey Lacuna dahil napakanotoryos ng enforcers nito sa pangungumpiska ng lisensiya. Lalo yung mga nanghaharang dyan sa May Road 10, kanto ng Moriones, at Zaragosa st. (sa may Jollibee). Ang lulupet ng mga yan, kahit araw ng Linggo nakatumpok sila dyan. Mismo!
Kamakailan, binaril din ng Korte Suprema ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) na ipinatutupad ng ilang LGU sa Metro Manila pero ang nasa likod ay isang pribadong kompanya.
Ang NCAP ay inireklamo ng mga motorista dahil sa mga polisiya nitong hindi katanggap-tanggap para sa mga motorista.
Kapag naipanalo pa sa korte ang pagbasura sa NCAP, malamang na ipabalik sa LGU ang mga nasingil nila sa mga driver. Wish ko lang!
***
Panawagan sa Department of Public Service (DPS) ng Manila City Hall ng isang concerned Manilenyo:
“Bakit parang walang naka-assign na magwawalis dito sa ilalim ng ginagawang skyway mula sa Blumentritt hanggang Antipolo? Sobrang mabasura sa araw-araw. Mga residente doon mga baboy, masyadong magkalat. Nakikita ko naman marami ang nagwawalis sa kahabaan ng Abad Santos Avenue, grupo grupo pa sila. Wala rin naman pong street sweeper nakikita. Samantalang makikita mo lang yung street sweeper sa umaga naka-standby. Sana po meron naman na naglilinis, sobrang dumi sa lugar eh. Sa mga barangay official po, kilos! Panatalihing malinis ang ating kapaligiran. Leonel, DPS, streetsweeper magtrabaho naman kayo! – Concerned citizen, 0970488….
Ayan, Mayor Honey. Paki-kalabit ng hepe mo sa DPS, natutulog na yata!
***
Para kay Mayor Eme Calixto ng Pasay City:
Isang street sweeper nyo ang nagrereklamo. Aniya, apat na buwan na silang hindi sumasahod, puros pirma lang daw sila sa payroll pero walang natatanggap. At kung ibibigay naman ang sahod ay isang buwan lang, nawala ang tatlong buwan nilang pinagpaguran. Kaya ang nangyayari, sa loob ng isang taon ay apat na beses lang daw sila sumasahod. Araguy!!!
Totoo ba ito, Mayor Eme Calixto? Baka hindi nyo alam ito, paki-imbestigahan lang po ang departamento ninyong may hawak sa street sweepers. Mukhang niraraket na ng hepe nito ang sahod ng mga magwawalis ng lungsod.
Aksyon, Mayora!