Advertisers

Advertisers

Online protest sa traffic violation inilunsad ng MMDA

0 180

Advertisers

INILUNSAD ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang online protest sa mga traffic violation upang mas mapabilis ang paghahain ng kanilang traffic adjudication.

Sa isinagawang press conference sa tanggapan ng MMDA, sinabi ni Acting Chairman Eng. Carlo Dimayuga sa kanilang inilunsad nitong Biyernes na online protest o ang bagong online filing platform kungsaan mas pinadali ang pag-contest o pag-apela ng natanggap na traffic citation ticket.

Dumalo rin sa pulong balitaan si Congressman Bonifacio Bosita ng 1-Rider Party List at pinaboran niya ang hakbangin na ito ng MMDA.



Ayon kay Bosita, hindi na mahihirapan ang mga motorista na aapela sa kanilang citation ticket dahil pwede ng gawin online ang kanilang mga protesta.

Ipinunto pa ni Bosita ang karanasan ng ilang motorista na nagtutungo ng MMDA para maghain ng protesta subalit kadalasan ay pinababalik dahil kulang sa mga requirement.

Aniya, sa bagong sistema ng MMDA, matapos ang paghain ng online protest, tatlong araw lang ay malalaman na kung may schedule na ng hearing o wala.

Kinumpirma naman ng MMDA na kahit dagsain sila dahil sa isinagawang online protest ay kakayanin nilang hawakan ang hearing at magkakaroon sila ng dalawang karagdagang abugado.

Nilinaw ng MMDA na pansamantalang hindi kasama ang mga natikitan ng ‘No Contact Apprehension Policy’ sa online protest dahil narin sa ‘temporary restraining order’ ng Korte Suprema.

Dagdag pa ng MMDA, sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code o pag-click ng link https://bit.ly/3J62YhH punan ang form at i-upload ang kinakailangang detalye at dokumento tulad ng Unified Ordinance Violation Receipt (UOVR), driver’s license, at Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR) ng iyong sasakyan.



Paalala pa ng MMDA, maaaring isumite ang reklamo mula 8:00 am – 5:00 pm Lunes hanggang Biyernes at sa loob ng 3 araw, kokontakin ka ng MMDA-Traffic Adjudication Division para sa pre-processing ng paghahain ng kanilang reklamo. (CESAR MORALES)