Advertisers
TUMATAAS na naman [daw] ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila kasunod nito ay inihayag ng Department of Health (DOH) ang kakulungan ng gobyerno sa bilang ng nurses.
Ito ay sa kabila nang maraming unibersidad at kolehiyo na mayroong kursong patungkol sa pagiging isang ganap na nurse kung saan kada taon ay marami ang nakatatapos sa kursong ito.
Ang tanong ngayon ay nasaan sila? Bakit may problema tayo sa bilang ng nurses para matugunan ng sapat ang serbisyo ng gobyerno sa pangkalusugan? Nariyan pa naman ang makamandag na COVID-19 at iba pang sakit.
Pero ang totoo niyan ay matagal nang may kakulangan sa bilang ng nurses. Umaalis sila palabas ng Pinas dahil mas mataas ang suweldo roon. Yung iba naman ay narito sa Pinas pero ayaw maging nurse kasi mababa ang suweldo.
Kung may pagkakataon kayo na matignan ang ilang mga kompanya – pribado man o gobyerno lalo na sa Call Centers ay tiyak na naroon ang marami sa hanay ng mga lisensiyadong nurses pero hindi sila nagtatrabaho bilang nurse.
Ilang beses ko nang nabalitaan ang hinaing ng sektor ng pangkalusugan kabilang ang nurses pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito ganap na natutugunan ng gobyebro kahit naging pambala sila sa kanyon lalo na noong kasagsagan ng COVID-19.
May tinatawag na Magna Carta ang mga ito na hindi ganap na naipatutupad ng gobyerno. Mayroon din panawagan na itaas ang suweldo pero wala lang… nauna nang itinaas ang suweldo ng mga pulis, KULELAT NA ANG HANAY NILA kasama ang mga guro.
Sabi ng DOH ay mahigit 100,000 ang kakulangan sa nurses. Isang uri ng trabaho na kulang sa suweldo at benepisyo, kulang sa atensiyon ng gobyerno para tugunan ang iba pang hinaing.
Kung ang isang lisensiyadong nurse na may magandang trabaho bukod sa pagiging nurse, sa palagay kaya ng DOH ay iiwan niya ito para tumugon sa problema sa kakulangan ng nurses sa bansa?
May kilala akong dalawang lisensiyadong nurse, pulis sila ngayon. Baril at bala ang kanilang hawak, hindi karayom o bulak. Kaya huwag na tayo magtaka o magulat sa balitang ito ng DOH.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com