Advertisers
INIHAYAG ni Department of National Defense (DND) Senior Undersecretary Jose Faustino Jr. na kanila ng kinakausap ngayon ang Russia kaugnay sa tuluyang pagkansela sa P12.7 Billion MI-17 helicopters sa Russia.
Kinumpirma ni USec. Faustino partikular na kinakausap ngayon ang mismong aircraft manufacturer ang Sovtechnoexport para i-finalize na ang cancellation ng helicopter deal ng Philippine government.
Ito’y matapos ihayag mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na matutuloy ang planong pagbili ng 16 na Mi-17 military heavy-lift helicopters at ongoing na ang pag-uusap para iterminate na ang nasabing deal.
Ayon kay Faustino ang Mutual Consultation Board, ang siyang nakikipag-ugnayan ngayon sa mga kinatawan ng Sovtechnoexport para sa gagawing project termination at nasa proseso sa reactivation and reconstitution.
Tiniyak naman ni Faustino na kanilang bibigyan ng update ang Russian embassy dito sa Maynila kaugnay sa isinagawang pag-uusap.
Kinumpirma rin ng DND na hindi pa pormal na notified ang Russia sa desisyon nito na kanselahin ang deal.
Sa katunayan nagpapatuloy ang pag-manufacture ng mga helicopter dahil sa advance payment na ibinigay ng Philippine govt.