Advertisers
NASAWI ang tatlong pasahero at 36 ang sugatan nang bumangga ang sinasakyang pampasaherong jeepney sa isang malaking puno sa tabi ng highway sa Calatrava, Negros Occidental, Biyernes ng hapon.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 6, kinilala ang mga nasawi na sina Elma Baynosa, 72 anyos; Araneta Agravante, 63; at Rutchelle Visitacion, 32.
Isinugod naman sa pagamutan ang 36 nasugatan sa aksidente, kabilang ang ilang nagtamo ng pagkabali ng buto, sugat at mga galos sa katawan.
Sa imbestigasyon ng Calatrava Police, 2:00 ng hapon habang binabagtas ng pampasaherong jeepney ang pababa at pakurbadang daan sa highway ng Barangay Malatas ng bayang nabanggit nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng jeepney.
Nagpagiwang-giwang ang takbo ng behikulo hanggang sa sumalpok sa isang malaking puno ng gemilina pati na ang katabing tindahan at dalawang nakaparadang motorsiklo.
Sa lakas ng pagkakabangga, pawang nagtamo ng pinsala sa katawan ang mga pasahero kabilang ang dalawang senior citizens.
Sinabi ni Calatrava Police chief Major Lumyaen Lidawan, nagkaroon ng “mechanical problem” ang jeepney na overloaded at out of line pa na bumibiyahe sa ruta na wala sa prangkisa nito.
Nabatid na ilan sa mga pasahero ay nasa bubungan na ng jeepney, habang ang iba nakabitin sa behikulo.
Nahaharap sa kasong ‘reckless imprudence resulting to 3 counts homicide at multiple serious physical injuries and damage to property’ ang driver ng jeepney.