Advertisers
MULING kinalampag ng grupo ng mga health workers ang Department of Health (DOH) hinggil sa umano’y hindi pa naibibigay nilang benepisyo.
Isinisigaw pa rin ng Alliance of Health Workers ang COVID allowances at dagdag sahod ng mga health workers mula sa private at public facilities kung saan anila ay magpa-Pasko na pero wala pa ring aksyon ang DOH.
Panawagan din ng health workers na kagya’t na ibigay ang kanilang health emergency allowance HEA ng mga ito dahil dumadami na naman umano ang pasyente sa kasalukuyan at marami pang hospital ang umano ang nagsasabing hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga benepisyo.
Sa harap ng tanggapan ng DOH sa kahabaan ng Rizal Avenue, inokupahan ito ng mga health workers bitbit ang mga plakards na may nakasulat na “ Health Emergency Allowance ibigay”, “Sahod Itaas”, “Presyo Ibaba”.
Kasama rin sa nagprotesta ang Filipino Nurses United, The Medical City Employees Association na naglaan ng kanilang araw upang ipakita sa gobyerno ang anila’y pagsasawalang bahala sa mga manggagawang pangkalusugan.
Anila nakakaawa ang sitwasyon ng mga mangagawang pangkalusugan dahil sa kakapiranggot na halaga ng benepisyo na hinihingi nila sa DOH , hanggang ngayon ay hindi pa rin nila natatanggap.
Maayos din namang nilisan ng grupo ang tapat ng DOH matapos nilang maipahayag ang kanilang mga hinaing sa gobyerno. (Jocelyn Domenden)