Advertisers
USAD- PAGONG ang aksyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coastguard (PCG) laban sa management ng M/T Princess Empress na naghatid ng walang kapantay na kapinsalaan hindi lamang sa daan libong Mindoreno kundi maging sa mahigit 1.5 milyon mamayan sa MIMAROPA Region at ilang lalawigan ng CALABARZON area dahil sa polusyong idinulot ng naturang tanker vessel matapos ang paglubog nito sa karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro noong February 28, 2023.
Dahil sa kabagalan ng ginagawang pagsisiyasat ng dalawang ahensyang ito ng pamahalaan ay maraming espekulasyon sa likod ng mabagal ng mga itong pagkilos.
Hinala tuloy ng mga nasalantang mga mamamayan, posibleng may “niluluto” ang tanggapan ng MARINA at PCG, kung kaya’t kailangang pumagitna na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos (PBBM) at paimbestigahan ang ilang opisyales ng naturang ahensya ng pamahaaan para mabigyan ng hustisya ang mga nasalantang mamamayan.
Liban sa coastal area ng Mindoro Oriental, apektado din ng oil spill ang mga residente ng lalawigan ng MIMAROPA area (Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Marinduque, Romblon, Palawan) at ilang bahagi ng CALABRAZON area tulad ng Batangas, Quezon at Cavite.
Madilim ang landas na kinakaharap ng mga biktima ng oil spill lalo na sa mga coastal town ng Calapan City, Naujan, Pola, Pinamalayan at Bongabong, Mansalay, Roxas sa Oriental Mindoro at mga kalapit na lugar sa nabanggit na lalawigan dahil sa kawalan ng hanapbuhay ng mga mangingisda at magsasaka.
Matinding taggutom din ang kinakaharap ng mga naturang mamamayan dahil sa kawalan ng likas na yamang dagat at produktong pang-agrikultura resulta ng malawakang polusyon sa karagatan dahil sa pagkalat ng may 900,000 litro ng industrial oil na lulan ng lumubog na M/T Empress.
Nakapagtatakang lumubog ang naturang tanker bagama’t di naman masungit ang panahon noong February 28, 2023. Ang oil spill ay pinangangambahang kumalat pa hanggang sa Verde Island Passage sakop ng Batangas City sa lalawigan ng Batangas.
Nadamay din ang karagatang nakapalibot sa anim na barangay ng Verde Island passage (San Andres, San Agustin Silangan, Liponpon, San Agustin Kanluran, San Agapito at San Antonio) kaya’t malamang na malipol ang ibat- ibang uri ng isda na tanging sa nasabing pulo lamang matatagpuan.
Bilyones na halaga ang tinatayang pinsalang idinulot na ng nasabing oil spill sa marine aquatic resources at agricultural product ng mga naturang lalawigan. Ngunit sa halip na kondenahin ang may-ari at management ng nasabing shipping vessel ay tila may pulitiko pa at ilang opisyales ng MARINA at Coastguard ang mukhang nais pang mag-abo-abogadohan pabor sa nagmamay-ari ng 508 GRT (Gross Registered Tons) na motor tanker.
Paanong hindi magdududa ang mga nasalantang mamamayan gayong hanggang sa kasalukuyan ayon kay Coastguard Spokesman Vice Admiral Armand Balillo ay beniberipika pa lamang nila kung may kapabayaan ang may-ari ng barko at kung may balidong CPC (Certificate of Public Conveyance) ang nabanggit na sasakyang dagat?
Ibig sabihin, hanggang sa puntong ito na mahigit sa kalahating buwan nang nanalanta ang polusyong resulta ng oil spill sa paglubog ng M/T Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro ay wala pang malinaw na resulta ang pagsisiyasat ng MARINA at PCG?
Walang karapatang maglayag ang M/T Princess Empress kung tunay na expired na ang CPC (Certificate of Public Conveyance) ng nasabing tanker vessel, at ito ang nakapagdududang hindi pa nakukumpirma ng MARINA at ng tanggapan ng PCG hanggang ngayon?
Unang naiulat na may karga lamang na tinatayang 800,000 na litro ng industrial oil product ang nasabing motor tanker na may kapasidad lamang na 508 GRT (Gross Register Ton) na M/T Princess Empress) ngunit lumilitaw na mahigit pala sa 900,000 litro ng industrial oil ang kargamento nito.
Tahimik din ang tanggapan ng Enforcement Division ng MARINA na siyang may responsibilidad sa pag-iingat ng mga opisyal na dokumento at datus ng mga locally registered vessel sa bansa.
Kung masusing susuriin, ang M/T Princess Empress ay maaring maitulad sa M/T Braleman na nabibilang sa Orient Register Class, na may local Port registry at awtorisado lamang maglayag sa malalaking ilog sa bansa.
Ang M/T Braleman na pag-aari ng Braleman Corporation ay nasabat naman ng Philippine Navy habang nagtatangkang magpuslit ng may 847,000 litro ng imported na diesel na nagkakalaga ng Php 50.8M sa laot ng karagatan ng Lubang Island, Occidental, Mindoro kamakailan habang papasok sa Batangas Bay.
May panukala namang pondohan ng pamahalaan ng bilyones na salaping buhat sa Oil Tax Revenue para matulungan daw ang mga mamayang biktima ng oil spill, sa halip na igiit, kasuhan at pursigihing papanagutin ng bayad pinsala ang ship captain ng M/T Princess Empress at ang management nito na RDC Reield Marine Services. Ito’y maituturing na kaisipan ng ilang nababaliw na pulitiko?
Hindi lamang sa ating bansa nangyari ang ganitong malawakang polusyon. Maging sa State of Alaska sa Estados Unidos ay naganap din ang malawakan at mapaminsalang oil spill sanhi naman ng pagsadsad sa bahura ng mala-higanteng M/T Exxon noong 1989 habang naglalayag ito lulan ang napakalaking kantidad ng industrial fuel oil mula sa Exxon Terminal sa Valdez, State of Alaska.
Tumataginting na USD 50 Bilyon ang iniutos ng hukuman na bayaran ng management ng M/T Exxon sa State of Alaska na hindi rin malayong mangyari sa tagapamahala ng M/T Princess Empress kung magiging determinado at pursigido ang ating pamahalaan sa paghahabol laban sa nasabing shipping owner and management.
Ito ay kung tunay ngang magiging pursigido ang Marina, PCG at mga local government unit (LGU) at di pasisilaw sa kinang ng salapi? Kalimitan namang nangyayari ang suhulan sa ganitong mga proseso? Abangan ang karugtong…
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com/09664066144.