Advertisers
Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Land Transportation Office at Department of Transportation na agad tugunan ang kasalukuyang kakulangan ng plastic driver’s license card sa bansa sa pagsasabing huwag nang bigyan ng panibagong pasanin ang mga motorista na nahihirapan na sa iba’t ibang hamon.
Sa isang ambush interview matapos personal na tulungan ang mga mahihirap sa Cabarroguis, Quirino, iginiit ni Go ang pangangailangan ng mga ahensya ng gobyerno na humanap ng paraan upang makapagbigay ng mas mahusay at napapanahong serbisyo sa publiko.
“Alam n’yo tayong nasa gobyerno, unahin po natin ang comfort at convenience ng bawat Pilipino. Huwag n’yo pong pahirapan. Dapat po na-anticipate na kung magkakaroon po ng shortage ng supply ng card,” ani Go.
“Eh, nagbabayad naman po ang Pilipino. Bakit bibigyan ng papel? Bakit pahihirapan? Gawan po dapat ng paraan,” iginiit ni Go.
“Solusyunan dapat ang problema at huwag ipasa ang burden sa ordinaryong Pilipino,” idinagdag ng senador.
Nagpahayag ng pagkabahala ang senador sa mga posibleng abala sa pag-iisyu ng pansamantalang lisensyang papel, lalo’t sa kalaunan ay kailangan ng mga may-ari ng lisensya na bumalik muli sa LTO para lamang mapalitan ang mga ito.
“Kaya nga po noong panahon ni dating Pangulong Duterte na ginawang five years ang validity ng ating (driver’s license) card at kapag wala kang violation ay maaaring maging 10 years po ito. Ibig sabihin para hindi na po pabalik-balik ang mga kababayan natin na pumunta ng opisina at pumila doon sa LTO. Ngayon kung papel po ang ibibigay sa kanila, eh pababalikin n’yo na naman po ang mga driver,” ayon kay Go.
Ipinaalala niya sa LTO at DOTr na ang kanilang trabaho ay magbigay ng mahusay na serbisyo publiko, lalo sa mga driver na maaaring nahihirapan na sa pinansiyal na pasanin ng kanilang trabaho.
“Trabaho po natin sa gobyerno na pagserbisyuhan po ang ating mga kababayan, lalo na po ang mga driver na maiistorbo po sa kanilang araw ng pamamasada sa kakapila para kumuha ng lisensya,” anang mambabatas.
“At ngayon kung papel ang ibibigay, paano kung umulan, nasa bulsa nila ‘yan eh nabasa, napunit tapos kapag hinuli ng pulis, panibagong problema na naman. Sasabihin walang plastic card. Kawawa naman po ang mga driver natin na mahirap. Huwag pong pahirapan,” aniya.
Ayon sa LTO, inaasahang 147,000 plastic card na lamang ang natitira. Nabanggit na ang bilang na ito ay sapat lamang para ma-accommodate ang demand para sa buwan ng Abril sa lahat ng sangay ng LTO sa buong bansa.
Naglaan na ang ahensya ng badyet na P249 milyon para sa pagbili ng 5.2 milyong plastic card para sa taon, ngunit ang proseso ng pagbili ay iniulat na naantala.
Dahil dito, hinimok ni Go ang LTO at DOTr na magtulungan at maghanap ng solusyon sa kasalukuyang isyu sa halip na sisihin ang isa’t isa at magdulot ng karagdagang pagkaantala.
“Ayusin po dapat ang trabaho para naman po mabigyan ng maayos na serbisyo ang mga tsuper, ang mga driver natin na isang kahig, isang tuka,” apela ni Go.
“Pupunta po ‘yan sa LTO offices para makakuha ng lisensya tapos ibibigay n’yo sa kanila, papel. Babalik ‘yan para ike-claim naman ang plastic. Kawawa naman,” pahabol ng senador.