Advertisers

Advertisers

KAILAN KAYA ANG PANAHONG WALA NA TAYONG OFWS?

0 194

Advertisers

MODERN heroes! Bayani sila sa ating bansa, pero open secret, trabahong alila ang ating mga overseas Filipino workers (OFWs) – na alam ba nyo, nag-aambag sila ng 11 percent ng ating gross domestic products (GDP).

Kung walang OFWs, sa katindihan ng COVID-19 pandemic, P33.5 bilyon ang remittance niya noong 2019, at noong 2021, P151.33-bilyon ang inambag nila sa national treasury sa ipinadadala nilang pera sa kanilang mga mahal sa buhay, at pag umuwi sila, may dala pa silang cash, at todo gastos, kaya may umiikot na pera na nagsasalba sa ating ekonomya.

Sa abroad, buwis-buhay sila at mahaba na ang listahan ng mga OFWs na pinahirapan, dumanas ng sexual at physical abuse mula sa kanilang amo, pamoso ang istorya nina Flor Contemplacion, Sarah Balabagan, at ang maraming pinatay ng malulupit nilang amo.



May mga binitay at may naghihintay sa bitayan dahil sa mga kasalanang ibinintang, o nagawa dahil hindi na matiis ang kalupitang dinanas sa kanilang amo.

Lahat ng iyan ay tinitiis ng ating bayaning OFWs para mabigyan ng magaang na buhay ang pamilyang iniwan sa Pilipinas, at marami sa kanila, nagbebenta ng kabuhayan, nangungutang upang may magastos sa pangingibang bansa.

Kung may naipon, ipinauutang sa kaanak na hindi nagkukusang magbayad, at may mga biktima pa ng illegal recruiter, at ang matindi, lumalaki ang mga anak na hindi nasusubaybayan, at maraming pamilyang nagkahiwalay dahil sa pangungulila, natutukso ang iniwang asawa, o ang OFW ay natutukso ring makipagrelasyon.

Ang resulta, wasak na tahanan, wasak na pamilya at pagkutya ng mapaghusgang lipunan, at ang sakripisyo na mabigyan ng ginhawa ang minamahal ay nauuwi sa paghihiwalay at pagkagumon sa lalo pang kahirapan.

May mga nagtatagumpay rin sa kanila at napagiginhawa ang pamilya, pero mas marami ang luhaang umuuwi – kung may mauuwian pang pamilya!
***
Dahil sa maraming hirap at problemang hinaharap ng ating OFWs, itinayo ang mga ahensiya upang sila ay tulungan tulad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ang mandato ay tulungan ang pamilya ng naiwang pamilya sa bansa sa panahon ng kalamidad, at iba pang kahirapan.



Tulong sa edukasyon, trabaho, insurance at hanapbuhay, at ang Department of Labor and Employment (DOLE) na may programang DOLE-AKAP na isang one-time financial assistance na halagang P10,000 sa apektadong OFWs.

Responsable ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para matulungan ang kababayang maiwasan mabiktima ng mga tiwaling recruiter at hanapan ng magandang trabaho at proteksiyon sa kanila sa ibang bansa, katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa madaliang pagbabalik sa bansa.

Pero kulang pa rin ito dahil sa dami ng OFWs, tinataya na nasa mahigit na 10 milyon nakakalat sa iba-ibang bansa, malaking problema lalo na kung undocumented ang kababayang nasa peligro ang buhay.

Nangyayari, hindi pa nagkakatugma ang gawain ng mga ahensiyang may mandatong tumulong kaya itinayo ang Department of Migrant Workers (DMW) para may isang ahensiya na lamang ang tututok sa problema ng ating OFWs.

At ang POEA, OWWA, POLO na nakakabit sa DFA ay isinama sa iisang bubong – ang DMW na dahil bagong departamento nakararanas ng marami pang problema para matulungan ang ating mga bagong bayani ng bansa.

Dahil sa mga bansang ibang-iba ang ugali, kultura at tradisyon sa mga bansang napupuntahan, madalas nakararanas nga ng malaking problema ang ating OFWs, lalo na sa mga bansa sa Middle East at Europa na tratong alipin ang mga kababayan natin.

Kailangan na makabuo ng isang maayos na kasunduan na aakma sa kultura at ugali sa bansang naroroon ang ating OFWs at mga tuntunin para sila ay maprotekahan, at dito, kailangan ang magaling na diplomasya ng ating gobyerno.

Pero, sa kabuuan, hindi dapat na iasa natin sa OFWs ang bilyon-bilyong dolyares na naire-remit nila kungdi kung paano aayusin ang ating bansa at nang mabigyan ng trabaho ang OFWs na nais nang dito sa bansa mamirmihan.

Hindi kailangang lagi nang sa labas ng bansa aasa ang ating magagaling at skilled professional upang mamuhay nang maayos; kailangan ang gobyerno ay gumawa ng mga kongkretong programa upang hindi na umalis ang ating mga kababayan.

Paano nga’y walang sapat na trabaho sa bansa, at kung mayroon man, hindi sapat na ikabuhay ng pamilya, at sa abroad, malaki ang sahod na mahirap pamantayan sa ating bansa.

Lagi na sa pagdating ng bagong administrasyon, may mga pangakong bilyon-bilyong foreign investments pero wala tayong gaanong nakikitang naglalagak ng kapital para mapunuan ang kakulangan sa trabaho.

Lagi na, problema ang katiwalian, at ang bilyon-bilyong pondo ng bayan, nauuwi sa wala, at taon-taon, kailangan pang mangutang na lalong nagbabaon sa bansa sa kahirapan.

Lagi na lang bang iaasa sa OFWs ang pandagdag sa kita ng pamahalaan, gayong marami tayong industriya na maaaring magbigay ng sapat na kabuhayan sa mamamayang Filipino.

Napag-iiwanan na tayo ng ibang bansa: tingnan ang Vietnam na dinurog ng US sa 30 taong giyera para raw iligtas ang bansang ito sa komunismo.

Winasak ng dalawang bomba atomika ang Japan pero ito ay pinakamayamang bansa, at may malakas na depensa militar; ang Singapore na walang likas na kayamanan, namamayagpag bilang isang pangunahing financial hub sa Asia at sa mundo.

Ano ba ang kulang sa atin na may mayamang natural resources, matatalino at skilled na mamamayan at tayo ay may magandang klimang angkop upang maging pangunahing exporter ng pagkain, pero tayo ay hindi kayang pakainin ang sarili gayong isa tayong bansang mayaman sa lupang sakahan at pangisdaan.

Ano ang kulang, maitatanong at ang sagot, nawala na o kokonti na lamang ang makabayang Filipino at tayo ay isang bansang nawalan na ng sariling pagmamahal sa bansa, at dayuhan tayo sa ating sariling lupang sinilangan.

A, kailangan kaya darating ang panahong wala na tayong OFWs?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.