Advertisers

Advertisers

HB No. 7970 ni Rep. Yamsuan, apurahing pagtibayin

0 498

Advertisers

KUNG tunay na kinatawan ng bayan ang mga kongresista natin, patunayan nyo ito sa mabilis na pagbasa at pagsasalang sa plenary debate ang panukala ni Bicol Saro Partylist Rep. Brian Raymund Yamsuan – ito ang House Bill (HB) No.7970 na layuning amyendahan ang Republic Act (RA) No.7581.

Kailangan na, sabi ni Rep. Yamsuan at panahon nang takdaan ng mas mabigat na parusa ang mga gahamang negosyanteng bundat sa kinakabig na pera sa kawalanghiyaang manipulasyon ng presyo ng bigas at mais.

Tama na tawaging economi saboteurs ang mga nag-iimbak, nagtatago ng bigas at mais upang makalikha ng artificial shortage at kumita sila ng taas-langit na presyong pagtutubuan nila ng bilyon-bilyong piso, sanabagan!



Nais ni Cong. Yamsuan, bukod sa milyon-milyong pisong penalties, palawigin sa 40 taon na pagkapiit ang parusa sa mga hoarders at profiteers!

“We need to amend the outdated Price Act to ensure that the penalties remain commensurate to the crimes committed, ” sabi ni Cong. Yamsuan at isaad sa batas na gawaing kriminal ang iba pang kilos ng mga buwayang hoarders at profiteers na hindi nakalagay sa RA No.7581.

Kasama sa iniharap na HB No. 7970 ni Rep. Brian si Camsur 2nd district Rep. LRay Villafuerte na naglalayon sa paglikha ng Anti-rice or Corn Hoarding and Profiteering Task Force sa bawat lalawigan, munisipyo at lungsod.

Itong TF na ito ay bibigyan ng kapangyarihang regular na i-check ang bulto ng iniimbak na mais at bigas sa mga bodega, mga imbakan at maging ang mga rice and corn mills upang matiyak na walang pagtatago at ilegal na manipulasyon ng presyo ng mga butil na ito.

Gusto ni Rep. Yamsuan na kung mapatunayang sinasadya ang pagtatago at ilegal na pag-iimbak ng bigas at mais lalo na sa panahon ng matinding kakapusan at kalamidad, ayon sa deklarasyon ng Pangulo, parusang reclusion reclusion perpetua – katumbas ng pagkabilanggo ng 20—40 taon sa mga economic saboteurs.



At pwede lang na mabigyan ng pardon matapos ang 30 taon.

Kasama sa parurusahan, ayon sa panukala ni Cong. Brian, ay ang mga opisyal at kahit ang bodegero ng warehouse o ng rice/corn mills na mapatutunayang sinasabotahe ang ekonomya ng bansa!

Sa ilegal na pag-iimbak, pagtatago ng mais o bigas, lalo sa panahon ng emergency, disaster o matinding kakapusan sa pagkain, imprisonment na mula 10-20 taon, dagdag ang penalty o multang P100,000 hanggang P5 milyon.

Tama si Cong. Yamsuan kasi, matinding pineperwisyo ng mga walanghiyang negosyante ay ang lubog na sa hirap na pamilyang Filipino at ano ang resulta nito: matinding kagutuman at pagkakasakit at sa pagkapit sa patalim ng maraming ama at ina na di matitiis ang gutom ng pamilya, nauudyukan, napipilitang gumawa ng krimen.

May magnanakaw, manghoholdap, gagawa ng iba pang krimen upang magkasalapi na pambili ng pagkain ng mga ama at ina na sa kawalang-pag-asa at matinding depression, nadaragdag sila sa tumataas na crime index.

“In sum, it is a dangerous crime that may potentially sabotage the economy and render our people desperate and hungry,” sabi ni Cong. Yamsuan.

Todo ang ating suporta sa panukalang ito nina Cong. Yamsuan at Cong. Villafuerte: dapat panagutin ng batas ang mga hoarders pagkat sa kasakiman nila, nauudyukan ang mahihirap na gumawa ng kasamaan sa kapwa upang may maipakain sa kanilang pamilya.

Sabi nga, kakapit sa patalim ang isang tao na nagigipit, at ang sobrang pagtaas ng presyo ng kailangang pagkain, gagawa at gagawa ng krimen ang isang nagugutom.

Walang batas-batas sa taong desperado at nawawalan ng katinuan kung kumakalam ang tiyan o sikmura at nakikita ang palahaw na iyak ng kanilang mga anak na nagugutom!

Tulad ng nasabi na natin, patunayan ng Kamara na tunay ngang sila ay para sa kapakanan ng taumbayan at sila ay naglilingkod sa lagi nilang sinasabing “pagmamahal sa masang Filipino.”

Patunayan nila, sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez at ng kanyang mga Senior Deputy at Deputy Speaker ang malasakit, kalinga at pagmamahal sa bayan.

Apurahin nila ang panukalang ito nina Rep. Brian at Rep. LRay, isalang na agad sa komite, iharap sa kapulungan, basahin, talakayin at aprubahan at ipasa sa Senado.

Kung tunay ngang kinatawan ng mamamayan ang Kamara, umaasa tayo, isa sa uunahing pagtibayin ang HB 7970.

Amyendahan na ang niluma-sa-panahong Price Act!

Gawing krimeng economic sabotage ang hoarding at profiteering ng mais at bigas!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.