Advertisers
KUNG dati’y kinabibiliban, pinapalakpakan at nirerespeto ang bawat salita ni Marikina City 2nd District Representative Stella Luz Alabastro Quimbo sa kanyang matapang na pagtatanggol sa bawat sintemo ng taxpayers na ginagamit sa mga programa ng gobyerno, ngayo’y kinaiinisan na siya dahil sa pagbibigay ng baluktot na katuwiran sa confidential funds ng mga ahensiya ng pamahalaan na walang mandato para sa national security ng bansa.
Si Quimbo ay isang ekonomista, academician na nagsilbing professor at department chair ng University of the Philipines bago napasok sa politika.
Nang mapasok siya sa politika noong 2019 bilang miyembro ng dating ruling Liberal Party, kinabiliban siya sa kanyang mahusay na paghihimay sa bawat isyu partikular sa eknomiya ng bansa, ngunit kung anong rason ay nasira ang paninindigan ngayon ng mautak na kinatawan ng Marikina City, ipinagtatanggol niya ang pagkakaroon ng confidential funds ng ilang ahensiya ng pamahalaan na hindi naman karapat-dapat mabigyan ng pondo na para lamang dapat sa mga kagawarang ang mandato ay pangalagaan ang seguridad ng gobyerno at ng bansa.
Tuloy sa sagutan nila sa mga budget hearing ng mga sibilyan na ahensiyang humihirit ng daan-daang milyong confidential funds para sa taon 2024, hirap siyang magpaliwanag sa mga tanong ng Makabayan block na sina Party list Reps. France Castro, Raoul Manuel at Edcel Lagman. Kasi nga alam niyang mali na pagkalooban ng confidential funds ang mga ahensiya ng pamahalaan na walang kinalaman sa pangangalaga sa national security tulad ng Department of Education at Office of the Vice President.
Kahit sa social media ay mga brutal na batikos ang inaabot ngayon ni Quimbo.
Post ni netizen Miyako Izabel: “Hind ako naniniwalang kapag graduate ka ng UP, siguradong maprinsipyo ka. Hindi rin ako naniniwalang kapag summa cum laude ka sa UP, hindi ka magbobo-bobohan. Hindi rin ako naniniwalang kapag naaging propesor ka ng UP, gagamitin mo ang dunong sa kabutihan. Pruweba: Stella Quimbo”.
Ano nga ba ang naging rason at biglang napilipit ang pag-iisip ni Rep. Quimbo? Dahil din kaya sa pondo? Hmmm…
Pero nitong Lunes ay biglang bumawi si Quimbo, natauhan yata sa tindi ng mga batikos na inabot sa netizens. Sabi niya: “On our part as Congress, let us work towards a more transparent and effective government. As Senior Vice Chair in the Committee of Appropriations, it is my primary responsibility and personal advocacy that not a single peso of the people’s money is wasted. At kaya naman tumatayo ako ngayon bilang sponsor ng CoA dahil katulad ng CoA, naniniwala ako na ang kaban ng bayan ay dapat ginagastos para sa kaunlaran ng bayan.”
Ibinuking din ni Quimbo na 11 days lang, hindi 19 days na unang napaulat, na nilustay ng Office of the Vice President ni Sara Duterte ang P125 million na mahiwagang confidential funds noong 2022.
Kaso may lamat na ang kridibilidad ni Quimbo.