Advertisers
Hustisya ang hiling ng isang ginang para sa kaniyang mga anak na parang baboy umanong kinatay nang mauwi sa krimen ang paglalaro ng basketball ng mga biktima kasama ang mga katrabaho sa Porac, Pampanga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Mario Morden Jr. at Matthew Morden; habang sugatan si Martin Morden.
Sa ulat, base sa kuha ng CCTV camera nahagip ang habulan ng mga kalalakihan na nauwi sa rambulan at pananaksak.
“’Yung mga victims at suspect ay medyo nakainom din po, and then sa kalagitnaan po ng laro, nagkaroon po sila ng hindi pagkakaunawaan,” ayon kay Porac Police Chief Police Lieutenant Colonel Palmyra Guardaya.
“Then, medyo nagkapisikalan until itong anak ng suspek, tumakbo papunta sa sasakyan kumuha ng bladed weapon and then pinagsasaksak po itong ating tatlong victims,” sabi pa ni Guardaya.
“Doon sa nakita namin sa CCTV, ‘yung isa kinuha doon sa covered court. Kung hindi ako nagkakamali, doon sa damit niya parang may gamit siya doon sa covered court, and then yung isa tumakbo doon sa motor niya. Doon kinuha yung isa naman, tapos sabay pasok ulit sa covered court. Doon nagkagulo yung mga tao,” sabi ni Barangay Mitla Proper chairman Mario Dimalanta.
“Para silang kinatay na baboy sa ginawa ng mga tao na ‘yun. Gusto ko talagang mabigyan ng hustisya ‘yung mga anak ko. Karumal-dumal talaga ‘yung ginawa nila,” hinanakit ni Arlene Rojas, ina ng mga biktima.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga salarin na mag-ama.