Advertisers
INARESTO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 12 katao, kabilang ang isang Malaysian at 11 Pinoy, sa Manila nitong nakalipas na Biyernes (Nobyembre 10) sa kasong iligal na pagbili ng SIM cards na may GCash accounts at nasamsam ang nasa 50,000 SIM cards sa raid.
Sa kanilang statement nitong Linggo, sinabi ng NBI na inaresto nila ang Malaysian national na si Lau Wen Xiang, at ang 11 Pinoy na nakilalang sina Aldwin Villena Canon, RJ Vincent Abdulhamid, Alkhaizar Sahali Jambiran, Rayan Panayam Apostol, Aira May Sahali Jambiran, Sherwin Dave Cahanap Cruz, Kier John Salazar Parong, Jasper Philander Viscayno, Datu Jonathan Tasil Mama, Jonalou Tayomora Salazar at Almoner Ladjahali.
Ang mga dinakip ay sinampahan ng paglabag sa Section 9 ng Republic Act No. 8484 (Access Devices Act 1998); Section 4 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act 2012); at Section 11 ng RA 11934 (SIM Card Registration Act 2020).
Nagsagawa ng pagsalakay ang NBI matapos makatanggap ng impormasyon na isang grupo sa Facebook ang naghahanap ng marentahang verified GCash accounts na may limit hanggang P500,000.
Ang may gustong may-ari ng SIM card ay babayaran ng P2,000 kada buwan, kapalit ng pagkontrol sa kanilang accounts. Ang naturang accounts ay ginagamit umano ng grupo bilang casino loacders, sabi ng pulisya.
Sa entrapment operation noong Nov. 9, ang complainant ay nagpanggap bilang SIM card owner at naghahanap ng rerenta ng kanilang account. Ang delivery rider na magdadala ng SIM card ay kinutsaba ng mga otoridad at naging daan para matunton ang establishment sa Quezon City, at natunton din ang tatanggap ng SIM card sa Paranaque. Itinanggi naman ng tumanggap ang pagkakasangkot, sinabing taga-deliver lamang siya ng SIM cards sa kanilang “boss” sa Manila.
Nang sumunod na araw, sinalakay ng NBI ang isang gusali sa Manila kungsaan naaresto ang 12 katao.
Kinumpiska rin ng mga ahente ang 13 desktop computers, 40 piraso ng global system para sa mobile communication modems para sa “text-blast machines”, 57 mobile phones, isang laptop, monitor, at nasa 50,000 piraso ng SIM cards.