Advertisers
IBINABALA ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-DOST) na posibleng magtagal pa ng ilang araw hanggang ilang linggo ang nararanasang aftershocks sa bahagi ng Mindanao.
Sinabi sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing ni Phivolcs officer-in-charge (OIC) Dir. Teresito Bacolcol na habang tumatagal naman ay humihina ang mga pagyanig.
Aniya, nakapagtala sila ng 113 aftershocks hanggang alas-12:00 ng tanghali nitong Martes kung saan anim dito ay naramdaman habang intensity 1.4 ang pinakamahina at 4.9 ang pinakamataas.
Samantala, isiniwalat ni Bacolcol na wala silang naitala ni isang aftershock sa nangyaring magnitude 5.1 na lindol sa Samar nitong Lunes, Nobyembre 20.
Nilinaw naman niya na walang kaugnayan sa isa’t isa ang paggalaw ng Cotabato trench sa limang iba pang trench sa bansa.
Sinabi ni Bacolcol na ang pinakamalakas na lindol sa kasaysayan ay pumalo sa magnitude 8.1 na naganap noong August 17, 1976.
Sa lakas ng nasabing lindol, lumikha ito ng siyam na metrong taas ng tsunami makalipas ang limang minutong pagyanig na nagresulta sa pagkamatay ng nasa 8,000 tao. (Gilbert Perdez)