Advertisers
MALINAW ang kahandaan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t ibang hamon tulad ng El Niño at La Niña phenomena.
Pinatitiyak kasi ni PBBM sa National Economic and Development Authority (NEDA) at iba ang ahensya ng gobyerno na nababantayan at napapangalagaan ang suplay ng pagkain at enerhiya ng bansa habang aktibong hinaharap ang posibleng pagbabago sa presyo ng prime commodities.
Sa patuloy na pag-iral ng El Niño at banta ng nakaambang La Niña sa huling bahagi ng taon, ikinakasa na ang mga hakbang sa ilalim ng isang komprehensibong plano upang bantayan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinasabing sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), nakita ang bahagyang pagtaas sa headline inflation rate ng bansa na umakyat sa 3.7 porsiyento nitong Marso 2024 mula sa nakaraang buwan na 3.4 porsiyento.
Gayunpaman, sa kabila nito, nananatili ang average inflation rate para sa unang quarter ng 2024 sa kalmadong 3.3 porsiyento at nasa loob pa rin ng itinakdang target ng pamahalaan na 2.0 hanggang 4.0 porsiyento para sa buong taon.
Sa kabilang banda, napigilan ang inflation sa pagkain at nagkaroon ng mas mabagal na pagtaas sa presyo ng itlog at iba pang mga produkto ng gatas (2.3% mula sa 3.5%), prutas (7.9% mula sa 8.7%), tinapay at iba pang mga cereal (4.6% mula sa 5.1%), at mga produkto ng pagkain na ready-made (4.3% mula sa 4.6%).
Subalit may naitala namang deflation sa isda (-0.9% mula sa 0.7%), gulay (-2.5% mula sa -11.0%), at asukal (-2.9% mula sa -2.4%).
Sa kabaligtaran, nanatiling stable ang non-food inflation sa 2.4 porsiyento sa loob ng buwan.
Bagama’t may pagtaas sa inflation rate ng transportasyon, mga restoran at accommodation, kalusugan, at libangan nitong Marso, na-compensate ito ng mas mabagal na pagtaas sa presyo ng housing at utilities.
Pinaiigting naman ng pamahalaan ang pagbabantay sa kondisyon ng panahon at ang epekto nito sa suplay ng pangunahing bilihin tulad ng pagkain at enerhiya upang protektahan ang mga pamilyang Pilipino mula sa biglang pagtaas ng presyo.
Sabi nga ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bantayan ang suplay ng tubig sa buong bansa, tiyakin ang sapat na water supply at suportahan ang ating mga magsasaka sa panahon ng tag-init.
Aktibo ring nagbibigay ng tulong sa mga magsasaka na naapektuhan ng tagtuyot ang Department of Agriculture (DA).
Bukod dito, nagsimula na naman ang paghahanda para sa La Niña upang tiyakin ang seguridad sa pagkain at enerhiya, suplay ng malinis na tubig, kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Kaya upang mapagaan ang epekto ng mataas na presyo ng kuryente sa mga mahihirap na Pilipino, maaaring makatanggap ng 100 porsiyentong diskwento sa kanilang buwanang bill ang mga kwalipikadong konsumer sa pamamagitan ng Lifeline Rate program ng pamahalaan.
Sa katunayan, hanggang Enero 2024, 4.9 porsiyento ng 4.6 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nakaparehistro sa programa.
Positibo raw ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na ang mga hakbangin, maging sa pananalapi o hindi, ay magpapababa sa presyo ng mga kalakal at makapipigil sa posibleng pagtaas ng mga ito.
Sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap ng ekonomiya, malinaw na ang direksiyon ng pamahalaan sa pagkontrol ng inflation ay nagpapakita ng determinasyon nitong mapalago ang ekonomiya ng bansa.
At sa ganitong paraan, siyento-por-siyentong magtuloy-tuloy ang ating pag-usad at makakamit ang mas magandang buhay para sa lahat ng mamamayan.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.