Advertisers

Advertisers

MAS PINALAKAS NA UGNAYAN NG ASEAN AT INDIA PARA SA MAS MAGINHAWANG KALAKALAN

0 12

Advertisers

SA 21st ASEAN-India Summit, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagsusuri sa ASEAN-India Trade in Goods Agreement (AITIGA).

Sinasabing isinusulong ito upang gawing mas simple at mas madali para sa mga negosyo ang kalakalan sa pagitan ng ASEAN at India.

Layunin nitong mapaluwag ang mga restriksyon sa kalakalan, lalo na para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at tiyaking mas naaangkop ang mga kasunduan sa kalakaran para sa kanila.



Bilang isang bansa na umaasa sa masiglang ekonomiya, mahalaga ang papel ng Pilipinas sa pagsusulong ng mga ganitong reporma.

Sa pamamagitan ng pagsusuri sa AITIGA, inaasahan na mas maraming oportunidad ang mabubuksan para sa mga Pilipinong negosyante.

Kapag mas pinadali ang mga kasunduan, mas maraming produkto ang maaaring iluwas at ipasok sa bansa, na magdudulot ng mas malawak na merkado para sa mga lokal na produkto.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni PBBM ang kanyang pag-asa sa mas malalim na kooperasyon ng ASEAN at India pagdating sa mga makabagong teknolohiya.

Ang ASEAN-India Joint Statement on Advancing Digital Transformation ay magbibigay-daan sa mas maayos na digital na pakikipag-ugnayan ng mga bansa sa rehiyon.



Inimbitahan din ng Pangulo ang India na magbahagi ng kanilang kaalaman sa Technical and Vocational Education and Training (TVET), upang palakasin ang kasanayan ng mga manggagawa sa ASEAN, kabilang na ang ating bansa.

Higit pa rito, kinilala rin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng India bilang pandaigdigang sentro ng mga produktong medikal.

Ang kanilang kahusayan sa pagbibigay ng abot-kayang gamot, kabilang na ang produksyon ng bakuna, ay isang mahalagang kontribusyon sa kalusugan ng rehiyon.

Sa harap ng mga banta ng pandemya at iba pang sakit, ang pagkakaroon ng matibay na suporta mula sa India ay makatutulong sa pagtiyak ng kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan ng ASEAN.

Maliban sa kalakalan at kalusugan, tinitingnan din ng Chief Executive ang kooperasyon sa turismo bilang isang mahalagang aspeto ng post-pandemic recovery.

Sa taong 2025, na itinalaga bilang ASEAN-India Year of Tourism, umaasa ang Pilipinas na mas mapalakas ang turismo sa rehiyon, na makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya.

Ang mga ganitong hakbang at inisyatibo ay patunay ng patuloy na pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas sa mga karatig-bansa nito.

Sa ilalim ng pamumuno ng ating mahal na Pangulong Marcos, ang pagtutok sa mas simple at mas inklusibong kasunduan sa kalakalan ay magbibigay-daan sa mas maunlad na ekonomiya, hindi lamang para sa Pilipinas, kundi para sa buong rehiyon.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.