Advertisers
MAAMONG kuting si Sara Duterte nang dumalo siya noong Lunes sa pagdinig ng Committee on Good Governance and Public Accountability sa pamumuno ni Kinatawan Joel Chua ng Maynila. Nilulon ang pride at magalang na kinilala ang poder ng Camara de Representante na magsiyasat sa mga isyu na tinatalakay ng mga mambabatas upang baguhin ang polisiya ng bansa.
Sa pagdating ni Sara, nagbabala si Chua na papayagan niya na magsalita si Sara kung susumpa sa komite na “tanging ang katotohanan” lang ang sasabihin sa komite. Kilala sa katigasan ng ulo, ngunit sa sandaling ito, hindi nag-atubili na sumumpa sa Committee Secretary. Sa maikli, kinilala niya ang kapangyarihan ng Camara at komite.
Nawala ang angas sa komite. Nawala ang kapalaluan na ang imbestigasyon ay paraan lang ng mga nasa poder upang “mang-api” sa mga kalaban. Nawala ang taray na wala sa lugar. Larawan siya ng kababaang loob sa harap ng mga kasaping mambabatas ng komite. Hindi kami sigurado kung ano ang damdamin niya na tawagin ang bawat mambabatas na “Your Honor.”
Bagaman dumalo sa komite at sumumpa, hindi pinansin si Sara ng mga kasaping mambabatas. Hindi siya isinailalim sa masusing pagtatanong. Hindi pa. Mas pinansin at tinanong ang apat na opisyales ng OVP na nagtago sa nakalipas anim na pagdinig. Humarap sa unang pagkakataon ang mga political appointee na sina Gina Acosta, special disbursing officer; Lemuel Ortonio, deputy chief of staff; at mag-asawang Edward at Sunshine Fajarda, mga aide ni Sara.
Sa pagtatanong ni Kin. Jinky Luistro ng Batangas, inamin ni Acosta na inisyu, kinuha, at ipinalit ng cash sa Shaw Blvd. branch ng Land Bank of the Philippines (LBP) ang tseke sa loob ng isang araw lang noong ika-20 ng Disyembre, 2022. Normal na proseso na tumagal ito ng ilang araw pero natapos ang lahat sa isang araw sa hindi naiintindihan na dahilan.
Nang nakita ni Sara na alumpihit sa upuan si Acosta dahil nasukol sa masusing pagtatanong ni Luistro, tinangka niyang saluhin ang special disbursing officer ng OVP. Humingi ng pahintulot kay Chua na payagan na siya ang magpaliwanag imbes na si Acosta. Hindi pumayag si Chua sa paghingi ng pahintulot. Ipinahiya niya si Sara at wala siyang nagawa sa sagot.
Isang tagpo sa komite ang idineklarang recess upang dumalo ang mga kasaping mambabatas sa plenary session kung saan ipinasa ng mga mambabatas ang isang resolusyon na kumondena kay Sara sa kanyang banta at sinagot ni Ispiker Martin Romualdez ang banta na ipapatay siya kasama si BBM at Liza Marcos. Sinabi ni Martin na inilihis lang ni Sara ang isyu ng walang habas na paglustay sa confidential fund.
Iniwan si Sara at iba pang opisyales ng OVP sa public hearing room. Nagmukha silang tanga sa paghihintay sa mga kasaping-mambabatas. Tumagal halos dalawang oras ang recess dahil sa sesyon. Nang bumalik ang public hearing, nagpaalam si Sara at pumunta sa ospital kung saan nandoon si Zuleika Lopez, chief of staff ng OVP. Inaasahan na paghahandaan siya ng mga kasaping mambabatas sa susunod na pagdinig.
Isang tagpo sa pagdinig ang masusing pagtatanong ni Kin. Dan Fernandez ng Sta. Rosa City, Laguna kay Ortonio na nagkaila na alam ni Lopez na kinuha ni Ortonio at Acosta ang tseke ng P125-M at Ipinalit ng ng cash. Sa huli, umamin si Ortonio na alam ni Lopez kinuha nila ang confidential fund ng iharap sa kanya ang liham na irmado ni Lopez sa CoA tungkol sa halaga. Nabisto si Ortonio na pinagtatakpan niya si Zulaika.
***
NOONG Linggo, dumalo kami sa Kapihan sa Kyusi kung saan tampok na panauhin sina dating Sen. Leila de Lima at Kin. France Castro ng ACT Teacher Party List sa forum. Iniharap namin ang nangyari sa Ecuador, isang bansa sa Latin America, kung saan tinanggal sa puwesto halos 30 taon ang nakalipas ang kanilang pangulo, Abdel Bucaram, matapos ideklara siya ng kanilang Kongreso na isa siyang “baliw.”
Itinanong namin kay de Lima ang posibilidad na ideklara si Sara na “baliw” ng Camara upang hindi siya nakaupo bilang pangulo kung mamamatay ang pangulo at magkasakit at hindi magampanan ang tungkulin bilang pangulo. Sinabi na Leila na sa ilalim ng Saligang Batas, may kapangyarihan ang Gabinete, hindi ang Kongreso, na ideklara ang presidente at bise presidente na may sakit at hindi magagampanan ang kanilang tungkulin.
Dating kasapi sa Gabinete ni BBM si Sara, ani Leila, pero hindi sigurado kung maaaring ideklara si Sara na hindi kwalipikado na pumalit sa pangulo kung may mangyari sa pangulo. Pag-aaralan niya ang legal issue sa kabuuan, ani Leila.
Isinulong ni Castro ang impeachment laban kay Sara sa forum. “Hinog na ang sitwasyon upang ma-impeach na si Sara,” ani Castro. Siya ang humukay ng kanyang libingan, aniya dahil sa seryosong pagbabanta
***
SA pangunguna ni OFW Party List Kin. Marissa “del Mar” Magsino, tagumpay ang “Bida sa Kapaskuhan: Salu-Salo ng Pamilyang OFW” noong Linggo sa Ninoy Aquino Stadium. Espesyal na pagdiriwang ito na nagbigay-pugay sa mga talento at kontribusyon ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya.
“Layunin ng programang ito na maghatid ng liwanag at saya sa darating na Kapaskuhan sa pamamagitan ng sama-samang selebrasyon at mga makabuluhang kompetisyon. Nais naming iparamdam sa bawat OFW at kanilang pamilya na hindi sila nag-iisa sa kanilang mga sakripisyo at tagumpay,” ani Magsino.
Nagkaroon ng iba’t-ibang kaganapan ang okasyon tulad ng dancing competition, choral singing, at labanan sa indibidwal na talento ng mga bagong bayani. “Ang ‘Bida sa Kapaskuhan’ ay isang pasasalamat at pag-alala sa ating mga OFW at kanilang pamilya na nagsakripisyo para sa mas magandang kinabukasan