MAGSASAMPA ngayong Miyerkules ng impeachment complaint ang grupong Makabayan laban kay Misfit Sara sa Camara de Representante. Ito ang pangalawang impeachment complaint laban sa kontrobersyal na lider na pinaghihinalaan na may diperensya sa pag-iisip. May ulat na may pangatlong impeachment na maaaring isampa sa Camara sa Huwebes o Lunes.
Hindi ito biruan. Ang ipinagtataka namin ay hindi nababahala ang kampo ni Misfit Sara kahit ang kanyang buong political career ang nakataya. O nabahala pero hindi lang pinapahalata? Mukhang tutuluyan siya, sa maikli.
Kung may tatlong impeachment complaint na nakaamba sa butangera ng Davao City, isa lang ang masasabi namin: Natrabaho ng husto ang mga nasa likod ng impeachment complaint laban sa kanya. Hindi siya palulusutin sa isyu. Pinag-aralan siya ng husto sa isyu. Project siya sa mga nakalipas na araw. Hindi totoo ang sabi ni BBM na “hindi siya mahalaga.”
Si Misfit Sara ang hindi nag-iisip. Bara-bara sa paggiba kay BBM. Mas magaling si BBM dahil ginamit ang poder ng panguluhan para maitsa puwera siya sa koalisyon. Walang magagawa si Misfit Sara kundi umiyak sa isang sulok.
***
ALAM ni BBM ang tatlong impeachment complaint laban sa butangera. May hinala na siya ang nasa likod ng mga ito. Walang complaint na galing sa kampo niya. Malinis ang tatlong impeachment complaint at ginamit si Tunying upang palabasin na wala siyang alam. Bilib na bilib siya sarili na nakapuntos sa larangan ng pamamahayag.
Ginamit ni BBM na ruta si Tunying sa mga DDS upang palabasin na wala siyang alam sa mga impeachment complaint. Marami ang nag-isip na mahinang lider si BBM kung hindi matuluyan si Misfit Sara. Pero hindi ganoon ang nangyayari. Malikot ng utak, sa aking pakiwari. Malalim ang laro sa totoo lang.
***
MAY pananaw na hindi nakasiguro si BBM sa Senado kung sumulong ang impeachment laban kay Sara. Hindi nila naiintindihan ang kapangyarihan ng panguluhan. Tanging nakikita nila ay ang pera ni Gongdi at Sara. Ang masasabi namin ay iba pa rin ang poder ng pangulo.
Kapag ginamit ito ni BBM, walang magagawa si Sara. Kahit mabunganga sa magdamag, hindi sapat upang tumugon sa poder ng panguluhan. Maliban sa tatlo – Bong Go, Bato dela Rosa, at Robin Padilla, na tiyak na kakampi kay Sara, ang iba ay papanig kay BBM. Kahit si Imee ay baligtad upang tuluyan ng mawala sa eksena si Sara. Hindi totoo na mahina si BBM.
***
Mas angkop ang “Fourth Quarter Storm” ang huling tatlong buwan ng 2024. Sa amin, binagyo ang sindikato ng Inferior Davao sa takbo ng mga pangyayari. Hindi akalain ni Gongdi, Sara, Bato, Bong Go, at Robin na may alas si BBM kontra sa kanila.
Binawasan ang P2.3-B budget ng OVP sa P733-M para sa 2025. Iimbestigahan ng Camara ang P650-M confidential fund ni Sara. Ngayon, may 3 impeachment complaint laban kay Sara. Nauna ditto, hindi pinagbawalan pumasok ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC), at hindi pinaporma ang China sa kanilang pagmamalabis sa West Philippine Sea. Ilan lang ito sa mga pagbabago upang isulong ang demokrasya sa bansa.
***
ITO ang aming sagot sa isang kaibigan na humingi ng aming kuro-kuro hinggil sa pahayag ng gobyerno sa tungkol sa kabiguan ng mga kaanak ng mga biktima ng EJK na hindi magsampa ng sakdal laban sa mga pasimuno ng EJKs sa hukuman sa bansa. Ito ang isa mga dahilan kung bakit pumasok ang ICC sa bansa at ito ang prinsipyo ng complementarity.
Bumagsak ang sistema pangkatarungan ng bansa upang imbestigahan, usigin at pananagutin ang mga tao na nasa likod ng EJKs sa ilalim ng madugo pero bigong digmaan kontra droga ni Gongdi. Nawala sa eksena ang pulis at ang hukuman. Hindi gumawa ng maayos na siyasat ang mga pulis. Walang maayos na spot at follow up report sa mga patayan.
Dahil walang maayos na ulat ang mga pulis, wala naisampa ng maayos sa mga hukuman. Bihira ang mga sakdal na sumulong sa husgado at labis na kakaunti ang mga naparusahang pulis kung ihahambing sa dami ng mga EJKs. Umabot lampas 6,000 ang mga EJKs, ayon sa datos ng PNP. May mga pagtaya na abot sa halos 30,000 ang mga pinatay ng ng mga grupo ng mga pulis at vigilante. Pinatay sila dahil pinaghinalaan adik o tulak sa droga.
Nandiyan rin ang prinsipyo ng jurisdiction sa bansa.Ikinatwiran ng gobyerno ng Filipinas, o ng DoJ, na walang poder ang ICC na pumasok sa Filipinas dahil tumiwalag ito noong 2019 sa Rome Statute, ang tratadong ng maraming bansa na bumubuo sa ICC. Hindi ito kinatigan ng ICC dahil sakop ang Filipinas ng tratado mula 2011, ang taon na sinang-ayunan ito sa Senado, hanggang 2019 ng tumiwalag ang bansa batay sa desisyon ni Gongdi. Tuloy ang formal probe ng ICC kay Gongdi at kauri hanggang tuluyang sila na mausig.
Nagdesisyon ang ICC noong 2021 na itaas sa formal investigation ang sakdal na crimes against humanity na isinampa nina Sonny Trillanes, Gary Alejano, National Union of People’s Lawyer (NUPL), at ibang grupo sa ICC. Dalawang beses na naghain ang gobyerno ng apela at inihain ang mga apela ng DoJ. Tinanggihan ang dalawang apela sa sakdal.
Unang tinanggihan ang apela ng Pretrial Chamber sa ICC noong ika-26 ng Enero ng taong ito. Muling umapela ang DoJ at tinanggihan ng Appeals Chamber sa ICC ang pangalawang apela. Magkaiba ang Pretrial at Appeals Chamber ng ICC at magkahiwalay sila kahit sa ICC. Binubuo ng tatlo katao ang Pretrial Chamber at lima katao ang Appeals Chamber na nagsisilbing pinakahuling sangay na nagdedesisyon sa mga apela. Hindi ito nalalayo sa korte suprema.
Hindi na nagsampa ng pangatlong apela ang gobyerno ng Filipinas. Nagmukha na katawa-tawa sa world community kung magsusumite ito ng pangatlong apela. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni BBM na pinuputol na ng gobyerno ng Filipinas ang pakikipagtalastasan sa ICC. Wala na kasing pag-uusapan.
Ito ang hindi nauunawaan nga kampo ni Gongdi at Sara. Hindi nila binasa ang mga ulat at desisyon tungkol sa dalawang apela. Sa maikli, wala ng balakid upang ituloy ng ICC ang formal investigation kina Gongdi at mga kasapakat kasama si Bato dela Rosa, Bong Go, Jose Calida, Alan Peter Cayetano, Dick Gordon, at iba pa.
Isinama ang mga detalye sa aming aklat “Kill, Kill, Kill Extrajudicial Killings in the Philippines; Crime Against Humanity vs Duterte Et Al.” Teka, nakalimutan kong sabihin na maraming pamilya ang tinatakot at binili upang huwag magsampa ng reklamo sa ICC at kahit sa husgado dito. May mga narinig kami na kinabit ng ilang pulis ang mga biyuda ng mga biktima ng EJKs.