TIMBOG ang isang sub-leader ng “casino junket scam syndicate” na nakakulimbat ng nasa P4 billion “investments” mula sa 10,000 biktima sa Cordillera kasunod ng ilang buwang surveillance.
Kinilala ang naaresto na si alyas “Master”, 41 anyos, sub-leader ng “Team Z” casino junket group.
Naaresto si Master sa Barangay Kabayanihan, Baguio City Nobyembre 28 ng intelligence operatives ng Baguio City Police na armado ng arrest warrant para sa “syndicated estafa” mula sa Baguio Regional Trial Court.
Si Master, na nahubaran sa pangalang “Mark Stephen Alzona”, ay nakatala bilang No. 3 top most wanted person ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Cordillera, kabilang sa 18 ring-leaders ng casino junket group na pormal na nakasuhan sa RTC Branch 60 ng syndicated estafa, kasama ang ibang akusadong magkapatid na Hector at Hubert Pantollana, Virgino Martin Casupanan, Hazen Humilde, Jerry J. Cuapingco, Hein Humilde at marami pang iba.
Walang piyansa na inirekomenda ang korte sa pansamantalang kalayaan ni “Master”.
Nauna rito, si Hector, na tumakas sa bansa nitong nakalipas na taon, ay dineport pabalik sa Pilipinas nang mahuli ng Interpol sa Bali, Indonesia habang patungong Hong Kong.
Sina Pantollana kasama ang ring-leaders ng casino junket group ay nahaharap sa dosenang Warrants of Arrest para sa syndicated estafa sa Baguio City, habang daan-daan pang biktima ng sindikato ang nakatakda ring maghain ng kaso sa National Capital Region.
Noong Agosto 2023, nasa 300 “Team Z” victims ang bumaha sa tanggapan ng NBI-Cordillera at naghain ng kaso laban sa mga nabanggit na akusado.
Tanging sina Hector at Alzona palang na sangkot sa multi-billion casino investment scam ang nahuhuli ng mga awtoridad.