Advertisers
UMUSAD mula Batasan Pambansa patungo sa Senado ang apat na reklamo laban kay VP Sara upang patalsikin sa kanyang trono bilang kasalukuyang Bise Presidente ng ating bansa na kung tawagin ay ‘Impeachment Process’.
Bago magsara ang sesyon ng Kongreso ay itinuring ng 215 mambabatas na talsik na sa kanyang trono ang VP Sara habang tinanggap naman ng Senado ang kopya ng reklamo bago rin magsara ang kanilang sesyon.
Mabilis naman pala gumalaw ang dalawang Kapulungan ng Kongreso dahil mula sa pagkakatulog ng reklamo ng dalawang buwan ay bigla na lamang naging mga hukom ang mga Senador habang taga-usig naman ang mga Kongresista.
Naganap ang lahat ng iyan sa loob lamang ng isang araw! Sana ganito rin ang kilos ng mga mambabatas natin sa kanilang proseso naman sa paggawa ng batas gaya ng pagpapataas ng suweldo ng ating mga manggagawa.
Kung tuluyan nang mamalasin ang VP Sara ay haharap ito sa Senado bilang Korte habang uusigin naman siya ng ilang mga miyembro ng Kongreso tulad ng naging karanasan nina dating Pangulong Erap at Renato Corona ng Korte Suprema.
Sa karanasan ni Erap ay sinalubong ang mga taga-usig ng mga matitikas na abogado kung saan kabilang ang ilang retirado mula sa Korte Suprema subalit sa huli ay ipinamalas pa rin na ang ‘Impeachment Process’ ay isang ‘Political Process’.
Gamit ang isang ‘envelope’ na sinamahan ng drama na talagang yakapan ang mga pulitiko at palakasan ng iyakan na nauwi sa protesta na ang resulta ay pagbaba sa trono ni Erap.
Makaraan ang ilang panahon, binuksan ang ‘envelope’… WALA NAMAN PALA LAMAN ITO. At nang mahatulan naman si Erap na madalas makulong noon sa ospital o sa kanyang bahay ay pinatawad naman ni PGMA. Kamuntik pang maging Presidente muli.
Nang isalang naman si Corona ay matitikas din na mga abogado ang nagtanggol sa kanya subalit dahil [nga] ‘political process’ kaya napatalsik pa rin sa kanyang trono na ang bida noon sa gobyerno ay mga ‘dilawan’.
Makalipas ang ilang taon… ABSUWELTO SA TUNAY NA KORTE ang Corona na maging ang panuntunan sa tinatawag na ‘SALN’ ay nabago rin kaya lumalabas na wala talagang nilabag na batas o regulasyon si Corona.
Kapag nagsimula na ang proseso ng pagpapatalsik kay VP Sara ay pihadong ubod ng sarap panoorin at pakinggan dahil maraming matututunan ang taumbayan sa ‘pagsayaw at kembot’ ng mga pulitiko. Parang sarswela lang…
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com