Advertisers
Abot sa 21 na mga Army personnel ang iniimbestigahan nang masawi ang isang sundalo sa isang ‘reception rites’ sa Maguindanao del Sur.
Pansamantala munang ini-relieved sa kanilang pwesto ang nasa 21 mga sundalo ng 6th Infantry Battalion matapos ang pagkasawi ng isang bago nilang kasapi nang isagawa ang reception rites nitong July 30 sa kanilang battalion headquarters sa Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Bahagi ito ng kanilang proseso habang gumugulong ang imbestigasyon sa pagkasawi ng 22-anyos na si Private Charlie Patigayon na tubong Kolambungan, Lanao del Norte.
Una nang iniulat ng 6th Infantry Division na nasawi si Patigayon dahil sa kidney failure, ayon sa kanilang tagapagsalita na si Lt. Colonel Roden Orbon.
Nasawi ito noong July 31 nang isinugod sa Notre Dame Hospital sa Cotabato City,
Sa kabila nito, patuloy ang malalimang imbestigasyon ng 6th ID sa sinapit ni Patigayon.
Ayon kay Orbon, sa 21 mga sinibak, dalawa rito officers na kinabibilangan ng isang commanding officer at isang executive officer na may mga ranggong mga first at second lieutenants.
Ang 21 Army personnel na tinanggal muna sa pwesto kasapi ng isang platoon na siyang mga present nang isinagawa ang reception rites.
Ayon kay Orbon, iniutos na ni 6th ID Commander MGen. Donald Gumiran ang masusing imbestigasyon at tiniyak na kakasuhan at tatanggalin sa serbisyo ang mga ito kung mapapatunayang may paglabag.
Kakasuhan din ang mga sinibak ng admin at civil cases kung mapatunayang may maltreatment na sinapit ang batang sundalo.
Bago lang nagtapos si Patigayon ng kanyang candidate soldier course sa Camp O’Donnelle sa Capas, Tarlac.
Ikinalungkot naman ng pamilya ni Patigayon ang kanyang sinapit na matapos ang ilang buwang basic military training nasawi ito bago sana sumabak sa serbisyo. (Mark Obleada)