Advertisers

Advertisers

ESTADISTA SI TITO SOTTO

0 110

Advertisers

HINDI namin sukat akalain na ang mambabatas na nakasanayan na libakin at kutyain ng maraming netizen sa maraming pagkakataon ang nangingibabaw sa isang isyung nais patayin ng mga senador sa mayorya kasabwat ang Korte Suprema. Siya si Tito Sotto na buong tagumpay na napigilan ang tangkang i-dismiss ng mayorya sa Senado ang Articles of Impeachment kontra kay Misfit Sara.

Nais ng mayorya sa Senado na i-dismiss ang Articles dahil sa kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema na labay umano sa Saligang Batas ang Articles laban sa Misfit. Kung saka-sakaling natuloy ang motion of dismissal, libre si Misfit Sara sa anumang pananagutan kaugnay sa paratang na dinambong niya ang P612 milyon na confidential fund.

Kapag tuluyang na-dismiss, hindi na maalis sa puwesto si Misfit Sara bilang pangalawang pangulo ng bansa. Hindi niya rin kailangan ang humarap at magpaliwanag sa isang public trial na gagawin ng Senado bilang isang impeachment court.

Hinarang ni Sotto, ang Senate minority leader, ang tangkang ilibre ang Misfit ng mga tiwaling senador sa mayorya. Imbes na motion to dismiss ang iharap at aprubahan, nakumbinsi ni Sotto na panatilihing nasa hapag ang Articles kontra Misfit at napapasok sila sa ibang mosyon at ito ang motion to archival na lang.

Nag-umpisa ng kontrahin ni Sotto sa sesyon plenaryo noong Miyerkoles ang mosyon ni Rodente Marcoleta na i-dismiss ang Articles. Nais ni Rodente na patayin ng Senado ang paglilitis kay Misfit upang na malibre siya sa anumang pananagutan.

Tumutol si Sotto sa mosyon ni Rodente at pinilit ang motion to table na may mas malaking prayoridad sa talakayan batay sa mismong Rules of the Senate. Hindi natuloy ang motion to dismiss ni Rodente bagaman ito ang napagkasunduan sa naunang caucus ng mga senador noong nakaraang linggo.

Lutong makaw talaga ang pakay ng mayorya. Lutuin sa plenary session upang ilibre si Misfit Sara sa anumang pananagutan kaugnay sa ga bintang sa kanya ng Camara de Representantes. Pinaghandaan ng mga senador ng mayorya ang dismissal ng sakdal kay Misfit at may mga inihanda silang talumpati upang ipaliwanag ang kani-kanilang boto tungkol dito.

Hindi nangyari ang masamang tangka ng mayorya. Kahit hindi aminin ng mga tiwaling senador, nakumbinsi sila ni Sotto na mali kung dismissal ang gagawin. Diyan pumasok ang motion to archive. Naisahan ni Sotto ang mga kasamang senador na iyong mga hindi kilala sa dunong, talino, at anuman. Kailangan nilang pagbigyan ang kanyang suhestiyon.

***

MAY karanasan na abot sa 28 taon sa Senado si Tito Sotto. Nahalal siyang senador ng apat na beses. Nahalal siya na maging Senate Minority Leader dahil sa mahabang karanasan sa Senado. Ayon sa kanyang salaysay, may mga pagkakataon na nasa minorya siya dahil “hindi” ang kanyang boto sa ilang pangunahing panukalang batas na isinalang sa Senado.

Maraming biro ang inabot niya dahil sa kanyang tagumpay sa nakaraang plenaryo ng Senado. Naisahan ng graduate ng Wanbol University ang mapangahas na abogado na si Rodente Marcoleta. Ayon kay Sototo, natutuwa siya dahil natatandaan ng sambayanan ang kanilang comedy show “Iskul Bukol” ilang dekada na ang nakakaraan.

Pero ipinaalala ni Sotto na graduate sila ng law ng kapwa komedyante na si Joey de Leon (Joey Escalera sa palabas). Kaya naging notaryo sila sa bangketa sa palabas. Ngayon, hindi maaaring maliitin si Tito Sotto dahil sa kanyang natatanging kakayahan pagdating sa parliamentary rules ng Senado. Dahil sa mahabang karanasan bilang mambabatas kabisado niya ang Rules.

Ginamit ni Tito Sotto ang Rules upang patumbahin ang motion to dismiss ng nagmamagaling na si Rodente Marcoleta. Nabisto si Rodente. Hindi pala kabisado ang Rules at sinamantala ni Sotto ang kamangmangan ni Rodente sa Rules. Kahit ang mga kasamang senador ay mangmang rin sa Rules. Kaya buong giting silang naisahan at nautakan ng isang senador na nakasanayan nilang minamaliit ng palihim.

Samantala, nagpahayag ng pagkabahala si Sotto sa desisyon ng Korte Suprema sa impeachment trial ni Misfit Sara. Hindi ganap na niliwanag ng Mataas na Hukuman ang Saligang Batas sa impeachment. Bagkus, binago ng Korte Suprema ang itinatakda ng Saligang Batas. Bilang halimbawa, binanggit ni Sotto ang bagong requirement sa pagsusumite ng Camara ng impeachment complaint na kailangan mabasa ng bawat lalagda doon ang buong sakdal.

Ayon kay Sotto, hindi ito kailangan dahil ay presumption of regularity sa mga isinusumiteng Articles of Impeachment sa Senado. Hindi kailangan na mabasa ng lahat ng lalagdang mambabatas ang kopya ng sakdal, aniya. Maaaring gamitin iyan upang mabalewala ang Articles of Impeachment base sa teknikalidad, aniya.

***

MAY mga ilang pantas, paham, at tagamasid na uupuan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang motion for reconsiderationng inihain ng Camara noong Lunes. May mga ilang pahaging rin na kilala si Senior Associate Justice Mario Victor Leonen sa gawaing ibitin ang kanyang ponencia. Kilala si Leonen sa kawalan ng paninindigan at ibinabagay niya ang ponencia niya sa mga panginoong pulitikal na nasa poder.

Hindi na kami magsasalita tungkol dito pero malaya nating tingnan ang kanyang ponencia sa nakalipas na panahon. Iyan na lang muna.