Advertisers
NASAWI ang bise alkalde ng Ibajay, Aklan nang barilin ng maraming beses ng konsehal sa loob mismo ng municipal hall ng Ibajay.
Ang nasawi ay si Vice Mayor Julio Estolloso na nagtamo ng pitong tama ng bala sa ulo at katawan, habang ang salarin ay si Konsehal Mihrel Senatin. Nangyari ang insidente 9:15 ng umaga nitong Biyernes.
Ayon sa ulat ng pulisya, pumasok ang konsehal sa Tanggapan ng mga Sangguniang Bayan (SB) at humingi ng kopya sa staff ng lahat ng kanyang naipasang ordinansa sa termino niya. Pagkatapos nito ay nilapitan niya ang bise alkalde at tinanong: “Vice, ano ang kasalanan ko sayo?” sabay bunot ng kanyang baril (Glock 17) at ipinutok ng anim o pitong beses sa biktima.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa kaliwang dibdib ang bise alkalde. Kaagad itong dinala sa ospital pero binawian ng buhay 10:23 ng umaga.
Kaagad naman naaresto ng mga pulis ang konsehal sa bahay nito at narekober ang ginamit na baril.
Sina Estolloso at Senatin ay magkapartido.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa krimen.